NAPANOOD namin ang premiere night ng pelikulang KontrAdiksyon mula sa Bells Films na idinirek ni Njel de Mesa nitong Lunes sa SM Megamall Cinema 1 at 2 at nagkalat doon ang mga PSG, PDEA agents at staff, at mga pulis na may kasamang K-9.
Ang sabi sa amin ng publicist ng KontraAdiksyon na si Grace Foronda ay darating daw si Presidente Rodrigo Duterte bilang special guest kasi nga advocacy film ito kontra droga na isinusulong ng Pangulo.
Kaagad kaming pinapasok sa loob ng Cinema 2 kaya hindi na namin nahintay o nakita ang pagdating ni Pangulong Duterte sa Cinema 1 kasama ang buong cast ng KontrAdiksyon.
Kung tinapos ni Presidente Duterte ang pelikula ay tiyak na matutuwa siya dahil kuwento, matagumpay na nagapi ang mga taong sangkot sa droga kasama na ang ilang taong may posisyon sa gobyerno. Iniisip nga namin, baka base ito sa tunay na pangyayari o inspired by true events.
Anyway, isa pang naisip din namin dahil nga bidang-bida ang Pangulong Duterte sa pelikula ay kasosyo kaya siya sa pagpo-produce ng KontrAdiksyon?
Hindi na bago ang kuwento ng pelikula na tungkol sa padre de pamilya (Jake Cuenca) na pinatay ang pamilya (Ritz Azul at dalawang anak) kaya gumanti, at isa-isang pinatay ang mga sumalbahe sa mag-iina niya.
Pumasok si Jake sa pulisya at dumaan sa marubdubang pagsasanay para maging handa na sa bago niyang karera, bilang isang PDEA agent.
Hindi isinasama sa mga PDEA operation si Jake dahil nga hindi pa stable ang utak niya at gigil na gigil pa rin siya sa mga pumatay sa mag-iina niya.
Dahil dito, inuunahan ni Jake ang kasamahang PDEA agent na puntahan ang mga lugar na pinagkukunan ng droga, kung saan nakatira ang mga bigating pusher tulad nina Odette Khan at PBB twins na sina Toffie at Kenny Santos na pinagpapatay.
Kaya galit na galit ang lider ng PDEA na si Arnold Reyes dahil lagi silang nauunahan ni Jake. Dahil dito ay naging wanted na rin siya sa ahensiya base sa utos ng head nilang si Katrina Halili.
Isang call center agent si Kris Bernal na ang sideline ay pagbebenta ng droga at napagkamalan siyang miyembro ng sindikato kaya dinukot siya ni Jake sa pag-aakalang maituturo nito kung sino ang tinatawang nilang ‘Pangulo’ na ginagampanan naman ni Jong Cuenco na isang kongresista na gumagawa ng kabutihan sa kapwa pero naging masama dahil hindi siya pinapansin, bagkus ay sinisiraan pa siya.
At bilang ganti sa administrasyong Duterte ay maraming buhay siyang sinira lalo na ng mga estudyante sa pagbibigay ng mga drogang nakakasira ng ulo.
Mahaba pa ang kuwento ng KontrAdiksyon at mas magandang panoorin na lang ito sa mga sinehan.
Napansin lang namin ang mga eksena ni Paolo Paraiso bilang lider at tagatumba ni Jong ay ‘tila hawig sa mga eksena ng Suicide Squad (2016) na kapag nakikipaglaban ay classical music ang background.
Anyway, disappointed lang kami sa isa sa artistang babae sa KontrAdiksyon dahil ang sama umarte. Paano lumusot iyon kay Direk Njel? Hindi ba’t perfectionist siya, sabi niya? Sa totoo lang, sumakit ang ulo namin sa aktres na ito, huh?
Kasama rin sa pelikula sina Will Devaughn, Jojo Alejar, Lou Veloso, Elizabeth Oropesa at maraming iba pa.
Nagsimula nang ipalabas ang KontrAdiksyon kahapon, Hunyo 26.
-Reggee Bonoan