SA wakas, nag-apologize rin si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa 22 mangingisdang Pinoy na ang fishing boat ay binangga o nabangga ng Chinese vessel sa Recto Bank noong Hunyo 9. Ipinaliwanag din niya kung bakit ang banggaan ay tinawag niyang isang “little maritime incident.” Pero, sabi nga ng mga netizen at taumbayan, maliit na aksidente lang ba ito sa dagat na 22 Pinoy fishermen ang inabandona ng barko ng China at lulutang-lutang ng ilang oras hanggang isang Vietnamese fishing boat ang sumaklolo, nagpakain sa mga mangingisda at binigyang ng tuyong damit?
Dapat malaman ng lahat na ang pangalan ng bumanggang barko ng China ay Yuemao-binyu 42212 samantalang ang bangka ng mga Pinoy ay F/B Gem-Ver 1 at hindi Gem-Vir 1. Bakit sa mga pahayagan, tulad ng Inquirer at Philippine Star, laging isinusulat o inilalagay na F/B Gem-Vir 1 samantalang ang larawan ng bangka na lumalabas sa TV ay maliwanag na nakalagay ay Gem-Ver 1?
Alam ba ninyong nag-donate ng P500,000 si ex-DFA Sec. Albert del Rosario para sa 22 mangingisdang Pinoy na ang bangka ay pinalubog sa Recto Bank? Ang donasyon ay ginawa ni Del Rosario sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), na ang puno ay si Sec. Teodoro Locsin Jr. Para kay Del Rosario, ang donasyon ay para sa mga mangingisda na dumanas ng pambihirang trauma sa dagat matapos iwanan ng Chinese vessel na sisinghap-singhap ng ilang oras sa gitna na dagat.
Gayunman, ang P500,000 donation ni Del Rosario ay ibinalik ni Locsin sa katwirang hindi puwedeng tumanggap ang DFA ng donasyon. Kailangan daw niyang ibalik ang tsekeng nagkakahalaga ng P500K sapagkat mapipilitan siyang i-turn over ito sa National Treasury. Hindi raw niya puwedeng i-turn over ito sa ibang departamento dahil ito ay malversation. Tumugon si Del Rosario sa ginawang ito ni Locsin ng “That’s his call.”
Sinabi ng PAGASA na sa kabila ng mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw, hindi pa rin makaaasa ang mga tao sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig. Ang dahilan: kritikal pa rin ang antas ng tubig sa Angat Dam na pinagkukunan ng tubig ng mga residente ng Metro Manila at Rizal. Magiging normal lang ang tubig sa dam kapag ito ay umabot sa 180 metro sa Setyembre o Oktubre at nag-uulan na.
Nagkasundo ang gobyerno at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagdi-decommission ng 12,000 combatants ng MILF, mga armas at kampo upang matamo ang normalisasyon ng buhay sa Mindanao. Ang12, 000 armas ng MILF ay hindi na nila gagamitin at ang anim na kampo naman ay gagawing mapayapa at malusog na komunidad.
Naniniwala si ex-DFA Sec. Albert del Rosario na ang pagkansela ng DFA sa courtesy diplomatic passport ng dating mga Kalihim at Ambassador ng DFA, ay “unlawful’. Ayon sa kanya, ang diplomatic passport ay isang pribilehiyo na ipinagkaloob ng batas. Si Del Rosario ay hinarang sa Hong Kong airport at hindi pinapasok. Ganito rin ang nangyari kay ex-Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Kumpara sa libu-libong Hong Kongers na nagpoprotesta laban sa China tungkol sa isyu ng extraditon bill, tameme naman ang mga lider ng ating bansa sa pambu-bully ng China sa Pilipinas. Matatapang ang taga-Hong Kong, walang kibo naman ang mga Pilipino, este ang mga lider ng Pinas, kapag ang isyu ay hinggil sa West Philippine sea.
Pinakahuling patunay ay ang malamyang reaksiyon ng Pangulo sa nangyaring banggaan sa Recto Bank. Kelan kaya tatapang at tatayo ang mga lider ng PH laban sa China.? Hindi naman gusto ng mga Pilipino ang giyera, ang nais lang nila ay ipaalam sa China at sa buong mundo ang ginagawa ng dambuhala sa WPS at iba pang teritoryo ng sisiw na bansa.
-Bert de Guzman