NAAALALA n’yo pa ba ang Republic Act 11235?
Mas kilala bilang ‘doble-plaka law,’ ito’y pinirmahan bilang bagong batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 2019 at nakatakda dapat na ipatupad sa Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.
Subalit nitong nakaraang Abril, sa ginanap na 25th National Motorcycle Convention, mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos na isuspinde ang pagpapatupad ng naturang batas dahil marami umano itong butas.
Ilang linggo bago inihayag ni Pangulong Digong ang suspension order, nagdaos ng malaking protesta ang mga rider upang ikondena ang bagong batas na umano’y panggigipit lamang ng gobyerno sa kanilang hanay.
Pumalag din sa kautusan ng Pangulo na susupindihin ito ni Senator Richard Gordon na siyang may-akda ng kontrobersiyal na batas na nag-aatas sa mga motorcycle owner na magkabit na dalawang plaka sa kanilang motorsiklo.
Iginiit ni Gordon na dapat na ipatupad agad ang RA 11235 dahil ito rin aniya ay nakasaad sa batas.
Paano naman kung marami ngang butas ang naturang batas tulad nang sinabi nila Senator JV Ejercito, Senator Ralph Recto at Congressman Ruffy Biazon.
Tiniyak ng tatlong mambabatas na pangungunahan nila ang pag-aamiyenda sa batas sa pagbubukas ng bagong Kongreso sa Hulyo.
Ang tanong: Ipatutupad ba o hindi ang Motorcycle Crime Prevention Act sa Hunyo 30, 2013?
Hindi lamang ang mga rider ang natuturete sa katanungang ito ngunit maging ang mga motorcycle manufacturer at importer dahil bawal na silang mag-angkat ng mga motorsiklo na walang mounting o pagsasalpakan ng plaka sa harapan ng motor.
Bukod dito, pinapalagan din ng mga rider ang malaking multa na aabot sa P50,000 para sa mga lalabag sa naturang batas, at may kaakibat pang pagkakakulong sa mga mabibigong magparehistro ng kanilang motorsiklo.
Sa gitna ng kalituhang ito, may isang grupo ng mga abogadong motorcycle rider ang nagkaisa upang harangin ang pagpapatupad ng ‘doble-plaka’ law.
Sila ay mga miyembro ng Justitia Lex Machina kung saan ano mang oras ngayon ay maghahain sila ng petition for temporary restraining order upang pigilan ang pagpapatupad ng RA 11235 sa Hunyo 30.
Pinangangambahan ng mga abogadong ito na posibleng bulagain na naman sila ng gobyerno sa pamamagitan ng biglaang pagpapatupad ng kontrobersiyal na batas.
Tinututulan nila ang paglalagay ng plaka sa harapan ng motorsiklo dahil anila, ito’y delikado para sa rider. Pumapalag din sila sa malaking multa sa mga violator.
Sana nama’y pakinggan ng mga kinauukulan ang sigaw ng grupong ito dahil sa batas na ito nakasalalay ang kabuhayan milyun-milyon nating kababayan na sumasakay sa motorsiklo.
-Aris Ilagan