PALAGING mabuti at may respeto ang pagtingin at turingan ng sampung miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa isa’t isa, sa kabila ng mga nagkakatalong pananaw, kabilang ang ilang pag-aangkin sa ilang bahagi ng South China Sea.
Muli nilang pinatunayan ang maayos na turingan sa isa’t isa sa ginanap kamakailan na ASEAN Summit sa Bangkok, Thailand. Pinagtibay nilang muli ang pangunahing prinsipyo sa isang “Vision Statement on Partnership for Sustainability” sa Bangkok summit.
Sa Vision Statement, pinagtibay ng mga lider ng ASEAN ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, katatagan, at kalayaan ng paglalayag at paglipad sa bahagi ng South China Sea. Muli silang nanawagan ng karapatan para sa kanilang mga aktibidad sa nasabing karagatan, at ang paggamit ng panuntunan tulad ng Code for Unplanned Encounters at Sea, Guidelines for Air Military Encounters, Guidelines for Maritime Interaction, at ang ASEAN Direct Communications Infrastructure.
Sumang-ayon sila para sa isang rehiyunal na kooperasyon upang labanan ang terorismo at karahasan, upang labanan ang kanilang magkakatulad na suliranin tulad ng human trafficking, illegal wildlife trade, at drug trafficking. Nagkasundo rin sila para sa pagpapaangat ng kooperasyon sa humanitarian assistance at disaster relief, sa maritime security, at cyber security.
Nagkaisa rin ang mga lider na mananatiling malaya ang TimogSilangang Asya mula sa mga mapanganib na nukleyar na armas at mga armas na magdudulot ng mass destruction. Matutulungan sila para sa epektibong implementasyon ng Southeast Asia Nuclear Weapons Free Zone Treaty.
Kabilang sa mga ito, ang sampung bansa ng ASEAN—ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam—na lubos ang kumpiyansa na masosolusyunan ang alin mang problemang nabanggit.
Sa kanilang ugnayan sa China, patuloy na umaasa ang ASEAN ng kasunduan para sa Code of Conduct (COC) upang mapanatili ang kapayapaan at maging paraan upang maayos ang anumang posibleng problemang susulpot mula sa mga nagkakatalong karapatan sa South China Sea. Taong 2012 pa, nilagdaan ang kasunduan para sa pagbuo ng isang Code of Conduct. Noong 2017, nagkasundo ang ASEAN at China sa balangkas para sa mungkahing panuntunan. Habang patuloy ang negosasyon para sa pinal na kopya ng COC hanggang ngayon.
Sa ASEAN Bangkok Summit nitong nakaraang linggo, nagkasundo ang mga lider ng ASEAN “[to] work actively towards the full and effective implementation of the 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea in its entirely conclusion of a Code of Conduct in the South China Sea.” Isinama na nila ngayon sa kanilang Vision Statement ang panawagan para aksyunan ang mungkahing code.
Unang naaprubahan noong 2002, 17 taon na ang nakalilipas, ang ideya ng isang Code of Conduct ay dapat na maisulong ngayon para sa konklusyon nito bilang itinatag upang maiwasan at maayos ang sigalot sa South China Sea.