PUMANAW nitong nakaraang Huwebes ng hapon si Eddie Garcia at bagamat mayroon siyang mga interview noong nabubuhay pa na ayaw niya ng fanfare at lamay sa kanyang pagyao, pinaunlakan ng kanyang pamilya na makapagbigay ng huling respeto ang publiko.
“Ako kasi ‘pag namatay ako, wala nang makakaalam, eh,” bahagi ng exclusive interview sa kanya ng ABS-CBN News nang kumalat ang usap-usapan na nagpa-check-up siya sa Makati Medical Center nang hindi siya makadalo sa premiere night ng Bwakaw na pinagbidahan niya noon 2012.
“Sumakit ang ulo ko, so I went to the hospital, nagpa-X-ray ako, ‘tsaka complete physical check-up.”Nagbiro pa siya na baka raw may tumutubong sungay sa ulo niya kaya sumakit, pero halo raw ang nakita ng kanyang doktor.
Noon niya nabanggit ang kahilingin niya sa kanyang pagpanaw.
“Gusto ko from death bed, diretso sa crematorium, ‘tapos may kaibigan akong piloto, itatapon ‘yung ashes ko sa dagat, sa Manila Bay.
“That’s it. No obituaries.
It’s not a joke,” dagdag pa niya.
“I already paid for my cremation. Ayoko ng fanfare, eh. Tutal gano’n lang ‘yan, after your death pagkakaguluhan ka.
After a year, wala na, so what’s the use?”
Ang mga sumunod pang pahayag ni Manoy ay madalas ding marinig ng inyong lingkod sa matalik na kaibigan niyang nobelista at scriptwiter na si Edgardo M. Reyes.
Hindi mahalagang malaman pa ng lahat ang kanilang pagpanaw.“I don’t think it’s necessary. Nahihirapan ‘yong pumupunta sa burol mo, ‘di ba? Ngayon, kung ‘di nila alam, they will feel less hurt,” wika niya.
Nagkatrabaho sina Manoy at Edgar sa Atsay na pinagbidahan ni Nora Aunor at sa P.S. I Love You na naging blockbuster hit noong 80s at lumikha sa box office love team nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.
Tuwing may book launch si Edgar, laging present si Manoy. Sa palitan ng mga biro at maging sa mga seryosong pag-uusap, nalaman kong higit pa sa barkada ang samahan nila.
Magkasundo sila sa mga prinsipyo sa buhay. Sa katunayan, nang pumanaw si Edgar pitong taon na ang nakararaan, walang sinumang nakaalam maliban sa kanyang mag-ina. Diretso rin sa cremation. Nalaman ko lang na wala na si Edgar nang magkasabay sa pamimili sa Shopwise Antipolo ang asawa niyang si Mia at ang wife ko.
Isipin pang nasa bandang ibaba lang ng bahay namin ang bahay naman nila!Ilang beses ko pang nainterbyu si Manoy at lagi akong natutuksong ibalita ang pagpanaw ni Edgar, pero nagpigil ako.
Gaya ng paniniwala ng Zen Buddhists, ang pinakamaririkit na bagay sa mundo tulad halimbawa ng mga bulaklak ay hindi na dapat pang pinipitas o pinakikialaman.Isa sa tunay o dalisay na bagay na napagmasdan namin sa mundo ang friendship nina Edgar at Manoy.
Pambihira ito lalo na sa showbiz.Ang mga alamat na tulad nina Eddie Garcia at Edgar Reyes ay hindi maglalaho kailanman.Sa kabilang buhay, sila na lang ang bahalang magkaalaman at magkuwentuhan.
-DINDO M. BALARES