ANG matinding impact na dinala ni Bobby Ray Parks mula nang magsimula siyang maglaro para sa Blackwater sa PBA Commissioner’s Cup ay hindi maipagwawalang bahala.

Ang 26-anyos na si Parks ay naging Elite top gunner at nanguna upang bigyan ang koponan ng magkakasunod na panalo na nagluklok sa kanila sa maagang pamumuno sa mid-season conference.

Sa naturang unang apat nilang panalo, nagtala ang no. 2 overall pick noong nakaraang taong draft ng average na 23.5 points, 4.8 rebounds, 3.3 assists, at 1.8 steals na tinampukan ng kanyang career-best of 28 puntos na ginawa nya sa 108-107 overtime win nila kontra Barangay Ginebra.

Bunga nito, si Parks ang napiling PBA Press Corps Rookie of the Month para sa nakaraang buwan ng Mayo kung saan tinalo nya si Columbian Dyip rookie CJ Perez (24.3, 6.0 rebounds, at 2.0 assists).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang anak ng namayapang dating PBA Import na si Bobby Parks ang ikatlong player na nagwagi ng monthly citation kasunod nina Perez (Enero at Marso) at Jayvee Mocon ng Rain or Shine (Pebrero at Marso).

Naipanalo din ni Parks ang match-up nila ni Perez noong Mayo 26 kung saan tinalo ng Elite ang Columbian Dyip 118-110 kung saan sya umiskor ng 23 puntos, 5 rebounds, at 5 assists kumpara sa 17 puntos at 7 rebounds ni Perez.

-MARIVIC AWITAN