NOONG Miyerkules, nag-iba na ng tono o pahayag ang mga mangingisda tungkol sa pagbangga sa kanilang fishing boat ng Chinese vessel matapos magtungo si Agriculture Sec. Manny Piñol sa San Jose, Occidental Mindoro at sila’y kausapin.
Kung noong una ay matatag at matigas sila sa paghahayag na sinadyang binangga ng barko ng China ang kanilang bangkang-pangisda, iba na ang kanilang pahayag sa pagsasabing naguguluhan sila noon kung kaya hindi nila batid kung sila’y sadyang binangga o hindi lang nakita ang kanilang bangka.
Sa pagtungo roon ni Sec. Piñol nagbigay siya ng mga bangka at pera sa 22 mangingisda. Ang mga bangka at pera ay tulong daw ng gobyerno upang sila’y makapagsimula sa hanapbuhay. Humingi rin ng paumanhin ang kapitan ng bangka, si Junel Insigne, kay Pres. Rodrigo Roa Duterte nang sabihin niyang inimbitahan siya ng Pangulo sa Malacañang. Noon pala, ang nais kumausap sa kanya ay si Piñol.
Sa sinadyang pagbangga ng Chinese vessel o hindi ang F/B Gem-Ver 1, kinondena ng mga mangingisdang Pinoy ang pag-abandona sa kanila ng barko ng China gayong sila ay nakalubog at lulutang-lutang sa dagat. Buti na lang at sila’y tinulungan at sinagip ng isang Vietnamese fishing boat.
Sa pakikipag-usap nila kay Piñol, hiniling nila kay PRRD na ideklara ang Recto (Reed) Bank bilang isang exclusive fishing ground ng mga Pilipino. Nais nilang ang lugar ay maging eksklusibo sa kanila at tulungan silang ma-secure ang naturang dagat upang hindi sila pakialaman at i-bully ng ibang mga mangingisda. Nais din nilang papanagutin ang Chinese vessel na bumangga sa kanila at hingan ng bayad-pinsala.
oOo
Kung noong una ay ayaw ni PDu30 na makialam sa Speakership sa Kamara, ngayon ay nagbago ang isip ng Pangulo. Ayon sa ulat, handa na siyang mag-endorso kung sino ang dapat maging Speaker ng Mababang Kapulungan. Paulit-ulit nating sinasabi na walang naging Speaker na hindi ang Pangulo ang pumili o may basbas niya.
Habang sinusulat ko ito, may balitang ihahayag ng Pangulo kung sino ang gusto niyang maging lider ng Kamara sa susunod na linggo. Nakipagpulong noong Martes si PRRD sa mga kongresista sa isang hapunan sa Malacañang na ang host ay ang kanyang anak na si incoming Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, na dinaluhan ng mahigit sa 130 kongresista.
Kabilang sa nag-aambisyong maging Speaker ay sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez. Sila ay mga miyembro ng PDP-Laban. Ang iba pang tumatarget sa Speakership ay sina Leyte Rep. Martin Romualdez at Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
May nagsasabing sino man ang mahirang o mahalal na Speaker ng House of Representatives (HOR) o Kamara, tiyak na ang kapulungan ay mananatiling isang “rubber stamp” ng Malacañang. Kung ano ang gusto ng Palasyo, sunod si Kamara.
Hindi natin ito masabi sa sitwasyon ng Senado na may katangian bilang isang “independent body” o malayang kapulungan. Gayunman, may nagdududa na baka ito ay maging isang “rubber stamp” din dahil sa tagumpay ng mga kaalyado ng Pangulo.
-Bert de Guzman