ILANG buwan nang nasasangkot ang United States sa sigalot sa iba’t ibang bansa sa mundo, na lahat ay nakaaapekto sa atin sa iba’t ibang paraan.
Nang magpalitan ang US at North Korea ng banta ng nukleyar na pag-atake, labis tayong natakot sa anumang uri ng digmaan ay makaaapekto sa atin, una dahil tinitingnan tayo bilang kaalyado ng US at ikalawa, dahil sa anumang nukleyar na digmaan, malawak na bahagi ang hindi na maaaring matirahan sa loob ng maraming dekada dahi sa nuclear radiation. Sa isang missile test ng North, isang spent missile ang bumagsak malapit sa ating isla ng Batanes.
Ang nagpapatuloy na trade war sa pagitan ng US at China ay nakaapekto na sa kalakalan ng mundo lalo’t ang dalawang bansa ang kasalukuyang may pinakamalaking ekonomiya sa mundo. Sa pagbaba ng inululuwas ng China, na malaking bahagi ay ibinaba ng taripa ng US, kinakailangang bawasan ng mga industriya nito ang mga inaangkat na hilaw na materyales mula sa ibang mga bansa, kabilang ang Pilipinas.
Kinokompronta rin ngayon ng US ang Iran sa Gitnang Silangan, na inaakusahan nito ng pag-atake sa dalawang oil tanker bilang tugon sa panggigipit ng US sa maraming bansa upang ihinto ang pakikipagkalakalan sa Iran. Sinabi ni President Trump na handa ang US na tumugon sa anumang pag-atake ng Iran.
Matapos pabagsakin ng Iran ang isang US drone sa teritoryo nito, nitong nakaraang linggo ipinag-utos ni Trump ang isang pag-atake sa Iran, na sa kabuting-palad ay iniatras niya sa huling sandali. Kung aantala ang mga oil shipments mula Saudi Arabia at sa mga Gulf States dulot ng digmaan sa rehiyon, magdudulot ito ng malaking problema sa ekonomiya para sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas. Lalo’t ang Gitnang Silangan, ang kasalukuyang pangunahing pinagkukunan ng langis sa mundo at anumang kaguluhan sa suplay ay magdudulot ng pagsirit ng presyo.
Matatandaan natin kung paano nanalasa ang inflation—pagtaas ng presyo sa merkado—sa Pilipinas noong nakaraang taon. Ang pangunahin nitong dahilan, ayon sa mga economic managers ng ating pamahalaan, ay ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis, na sinabayan pa ng pagbaba ng halaga ng piso, manipulasyon ng presyo ng mga mapagsamantalang negosyante sa mga pamilihan, at ang P2 taripa na ipinapataw sa mga angkat na langis sa ilalim ng bagong TRAIN law.
Nakaahon na tayo mula sa panahon ng mataas na presyo ng mga bilihin. Umaasa tayo na ang komprontasyon ng US at Iran sa Gitnang Silangan ay hindi na lalala pa sa puntong maaapektuhan nito ang pagluluwas ng langis ng Gitnang Silangan sa mundo. Dahil magdudulot ito ng muling pagtaas ng mga lokal na presyo, higit na mas mataas kumpara sa naranasan natin noong nakaraang taon.