SA lugar na kinalakihan ko sa Tondo, Maynila ay nasaksihan ko kung papaano dumami at manganak ang mga pampasaherong jeepney na itinuturong isa sa mga dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lahat ng lansangan sa Metro Manila.
Sa simpleng obserbasyon ko, ang dating nag-iisa na pamasadang saksakyan ng tatay ng isa kong kabarkada, ay naging lima sa loob lamang ng nakaraang limang dekada, na sa ngayon ay minamaneho naman ng mga anak at apo ng aking kaibigan.
Sa halip na magretiro ang mga lumang jeepney kada 10 taon ay nadaragdagan pa ito ng isa, kaya naman di kataka-taka na sila na ngayon ang pumalit sa mga kalesa bilang “hari ng kalsada” sa Kalakhang Maynila.
Kaya naman kahit medyo duda ako ay sinusuportahan ko ang programa ng Department of Transportation (DOTr) sa PUV (Public Utility Vehicle) Modernization Program na sadyang napapanahon upang mabigyan ng makabago, malinis at maayos na mga pampublikong sasakyan ang mga mamamayan.
Kumustahin naman natin ang ahensya na dapat magpatupad nito -- ang Land Transportation Office (LTO). Nakapagsimula na ba sila ng sinasabi nilang modernization? ‘Anyare’ sa makabagong Motor Vehicle Inspection Centers (MVICs) para sa computerize testing ng sasakyan? Makatutulong ba ito para mabawasan ang “rolling coffins”sa mga kalsada?
Sablay ang dating pamunuan ng LTO sa P437.9 million na Motor Vehicle Inspection System (MVIS) program na kinuwestiyon ng COA. Kaya naman binuksan ngayon ng DOTr na makapasok ang pribadong sektor dito at binigyan ito ng bagong pangalan – na Privately-Operated Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC).
Ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, maraming private entities na ang nag-apply para sa PMVIC ngunit 15 pa lang ang kanilang nabigyan ng “notice to proceed”—at ang target ng LTO para sa proyektong ito ay 138 PMVIC na moderno at “fully computerized”na mga kagamitan sa buong bansa.
Sabi ni Asec. Galvante, wala nang “bidding” para sa proyektong ito dahil ‘di naman pondo ng gobyerno ang gagamitin dito, investment kasi ito ng mga pribadong kompanya.
Ang tanong—kelan ba ito aabante? Sa tingin kasi ng mga interesado sa proyekto ay animo na-trapik sa EDSA ang proyektong ito. Ayun resulta - tuloy pa rin ang manual inspection na ginagawa sa mga sasakyan para sa requirement ng mga nagpapa-renew ng kanilang registration. Kaya ayun, tambak pa rin ang mga nakalulusot na bulok na pampublikong sasakyan sa mga kalsada.
Kung mano-mano pa rin ang gamit ng LTO para malaman kung roadworthy ang isang sasakyan, may human intervention pa rin na siyang pangunahing dahilan ng “corruption” kaya nakalulusot pa rin ang mga kakarag-karag na mga sasakyan.
Kaya nananawagan ang mga aplikante na pribadong investor kay DOTr Secretary Arthur Tugade na alamin kung ano ang dahilan kung bakit mabagal ang proseso ng kanilang aplikasyon.
Maraming dapat na linawin hinggil dito si Sec. Tugade sa bumubuo ng panel ng ‘authorization committee’ na sina DOTr Asec. for procurement Giovanni Lopez bilang Chairman, at DOTr Asec. for legal matters Mark Steven Pastor, bilang vice chairman.
May mga sumbong kasi na makailang ulit na umano na binabago o nire-revise ang guidelines para sa mga nag-aaply ng wala man lang kahit isang public consultation. Aba’y kung sadyang pinatatagal ng ganito – di maiiwasan na magkaroon ng “public impression” na tila may gusto silang paboran na supplier ng mga makabagong kagamitan para sa proyektong ito!
Huwag naman sanang hintayin pa ng mga pakaang-kaang na opisyal na ito na magkaroon ng malagim na aksidente sa lansangan bago nila ganap na maipatupad ang nakabinbing pangakong ito ng Duterte Administration na pagbabago tungo sa modernization ng ating mga sasakyang sa kalsada.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.