MAY nag-text sa akin ng ganito: “Kaytapang maghamon ng giyera sa Canada dahil lang sa basura, pero takot sa China kahit dinadapurak na nito ang soberanya ng ating bansa.” Nang ipabasa ko ito sa sarkastikong kaibigan, ganito ang kanyang komento: “Siguro batid niyang hindi siya papatulan ni Trudeau subalit kakasahan siya ni Xi at baka bawiin ang mga pangakong tulong.”
May katwiran si sarkastikong kaibigan. Minumura at nagagalit ang ating Pangulo sa US, European Union (EU) at iba pang mga bansa na nagkokomento sa kanyang drug war at umano’y extrajudicial killings (EJKs), nakikialam daw ngunit nakapagtatakang sa pagbangga ng Chinese vessel sa fishing boat ng 22 mangingisdang Pinoy sa Recto (Reed) Bank sa West Philippine Sea, hindi siya kumibo o nagalit sa loob ng walong araw.
Baka raw kung US, Vietnam, Australia o Japan, ang nakabangga sa sasakyang-pangisda ng mga mangingisdang Pinoy, tiyak na bumubula sa galit si PRRD. Isipin na lang natin na matapos banggain ang fishing boat (F/B Gem-Ver 1) ni Kapitan Jonel Insigne, nilayasan ito ng Chinese vessel at iniwan ang 22 mangingisda sa gitna na dagat na lulutang-lutang sa loob ng ilang oras. Buti na lang at sumugod at sinagip ang mga mangingisda ng isang Vietnamese boat. Mabuhay ang Vietnam! Mabuhay si Ho Chi Minh!
Ipinaalam sa United Nations ang naganap na pagbangga ng Chinese vessel sa F/B Gem-Ver 1 na lulan ang 22 Pinoy fishermen noong Hunyo 9 (PH-China Friendship Day). Sa talumpati ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. sa 25th anniversary ng United Nations Convention on the Sea (UNCLOS), sinabi niya na “the duty to render assistance is enshrined in international law and in the International Maritime Organization’s (IMO) International Convention for the Safety of Life at Sea and the IMO Convention on Maritime Search Rescue.” Dapat daw tinulungan ang mga mangingisda.
Dagdag pa ng matapang ang dilang si Locsin na isang journalist at abugado: “Ang 22 Filipino crew ay iniwan sa dagat hanggang dumating at kinuha at sinagip sila ng Vietnamese vessel. We are eternally grateful. We are eternally in debt to our strategic partner, Vietnam for this act of mercy and decency.” Ibig mo bang sabihin Mr. Locsin, walang awa at decency ang Chinese vessel crew?
Salungat ang pahayag ni Locsin sa UN sa deskripsiyon ni PRRD na isang “little maritime accident” ang nangyari sa Recto (Reed) Bank. Para kay Locsin, malaking bagay ito sapagkat matapos banggain, iniwan at hindi sinagip ng Chinese vessel ang kawawang 22 Pinoy fishermen na lulutang-lutang sa dagat ng ilang oras. Sabi pa ni Locsin, tinaguriang “dirty finger” noong panahon ni ex-Pres. Cory Aquino, na ang pagsagip/pagliligtas sa mga nasakunang tao o barko ay isang universally recognized obligation ng mga tao at gobyerno, “and maybe even in common law, it is a felony to abandon people in distress.”
Bukod kay Locsin, umalma rin sa pahayag ni PDu30 si Sen. Panfilo Locsin. Para kay Lacson, ipinakita ng ating Pangulo ang kanyang kahinaan at agad-agad ay sumuko sa China sa halip na ipagtanggol ang dangal at dignidad ng bansa nang tangkain niyang i-downplay ang pagbanggang ginawa ng Chinese vessel sa bangka ng mga Pilipino.
Inilarawan ni Lacson ang pahayag ni PRRD na “heartbreaking” at “insulting” sapagkat nag-iimbita ito ng higit pang bullying ng China sa West Philippine Sea. Binira rin ni Sen. Ping ang paulit-ulit na pag-aanunsiyo ng Pangulo sa ating limitasyon (walang puwersa ang AFP at PNP), ang ating kahinaan, ang takot makipaggiyera. “We must show some strength, even a litttle,” ani Lacson.
-Bert de Guzman