Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa mga Katoliko na ipagdiwang ang biyaya ng pananampalataya, at iwasang magsayang ng tubig, lalo na at ilang araw nang kinakapos ang tubig sa Metro Manila.
Itinaon ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ang kanyang panawagan sa pagdiriwang ngayong Lunes ng Wattah! Wattah! Festival, o Basaan Festival, sa San Juan City, kung saan nakaugalian na ng mga residente na magsabuyan ng tubig—maging sa mga nagdaraan at motorista—bilang simbolo ng pagbibinyag ni San Juan Bautista kay Hesukristo, at sa paniwalang nagbibigay ng biyaya ang naturang tradisyon.
Ayon naman kay Secillano, hindi akma ang pagsasayang ng tubig ngayong may water shortage sa maraming lugar sa bansa, partikular na sa Metro Manila.
‘BE SMART ENOUGH NOT TO WASTE WATER’
“Those who will celebrate the feast of St. John the Baptist should be smart enough not to waste water for the sake of merriment especially in this time of water shortage,” sinabi ni Secillano sa panayam sa kanya ng Radyo Veritas.
Paliwanag niya, ang pagdiriwang at pagpapamalas ng pananampalataya ang tunay na diwa ng paggunita sa kapistahan ng mga santo, at hindi ang pagpapamalas ng mga kaugalian, nakasanayan, at tradisyon.
“The lack of ‘water splashing’ should not dampen their fiesta spirit. Fiesta, after all, is a joyous celebration of faith and not of some mundane cultural traditions or customs,” ani Secillano.
Sa kabila ng kakapusan sa tubig, itinuloy pa rin ng mga taga-San Juan ang Basaan Festival, na ngayong taon ay nakatuon sa pagtitipid ng tubig.
Ayon kay outgoing San Juan Mayor Guia Gomez, ang dating 50 truck ng tubig na ginagamit ng siyudad sa basaan ay 16 na truck na lang, na kumakatawan sa ika-16 na taon ng naturang festival, upang hindi naman, aniya, madismaya ang mga residenteng matagal nang nag-aabang sa pagdiriwang.
Ang natitira pang 34 na truck ng tubig ay inirasyon sa mga barangay na walang supply nito, ayon sa alkalde.
Kasama rin sa nakibahagi sa motorcade ang ilang fire trucks ng San Juan City-Bureau of Fire Protection, kung saan sakay pa sa isa si Mayor-elect Francis Zamora.
Batay sa huling advisory ng Manila Water ngayong Lunes, apektado ng rotational water service interruption ang buong San Juan, na tumatagal ng 15-18 oras.
Nagpatupad ng malawakan at arawang rotational water service interruption sa Metro Manila ang Manila Water at Maynilad sa nakalipas na mga araw, dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam, na sumadsad na sa 160-metrong critical level nitong Biyernes.
Kahapon, naitala sa 159.09 metro ang tubig sa Angat, mula sa 159.43 metro nitong Linggo.
BAGYO, NAMUMURO
Samantala, posible namang sa susunod na 48 oras ay maging ganap na bagyo ang mino-monitor na low pressure area (LPA), at tatawaging ‘Dodong’.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bandang tanghali ngayong Lunes ay namataan ang LPA sa 760 kilometro sa silangan ng Casiguran, Aurora.
Una nang sinabi ng PAGASA na lalakas ang habagat sa kalagitnaan ng linggong ito, at may posibilidad na magpaulan sa Angat Dam sa Bulacan bukas.
-Mary Ann Santiago, Jhon Aldrin Casinas, at Ellalyn De Vera-Ruiz