SA gitna kaguluhan, atleta ang tiyak na naapektuhan.

Ito ang ipinahayag ni Skateboard and Roller Sports Association of the Philippines (SRSAP) president na si Monty Mendigoria, hinggil sa gusot na kinasasangkutan ngayon ng mga opisayles Philippine Olympic Committee (POC).
Kasalukuyang nahaharap sa krisis ang pamunuan ng POC matapos na magbitiw sa kanyang posisyon bilang presidente si Ricky Vargas na diumano’y nasangkot sa pulitika ng grupo ng dating presidente na si Peping Cojuangco.
Maraming alyansa umano ni Cojuangco ang naiwan sa loob ng tanggapan sa ilalim ng pamumuno ni Vargas, na nagplano ng pagpapatalsik diumano sa huli, kung kaya napilitan na lamang itong magbitiw.
Ngunit, ikinalungkot ito ni Mendigoria, kung saan aniya, mas malaki ang epekto ng nasabing kaguluhan sa mga atleta kaysa mga opisyales.
“Malaki ang involvement ng POC sa success ng isang atleta. Kung ito ay magpapatuloy, it will affect our athletes so much that it might cause them the medals we are aiming for, “payahag ni Mendigoria sa panayam ng Balita. “Ang kawawa dito ay mga atleta, hindi mga opisyal,” dagdag pa niya.
Ramdam umano ng kanilang pamunuan ang tensyon sa POC ngunit ang pagtanggap dito ang tangi nilang magagawa ngayon, gayung tulad ng nakararami, nais lamang din umano nila ng kapayaan lalo na ngayon at malapit na ang 30th Southeast Asian Games (SEAG).
“Malungkot ako syempre sa nangyayari sa POC. We feel the tension pero we have to accept it. Ang stand ko and ng association is , wala po kaming pinapanigan. All we want is peace inside the Philippine Olympic Committee whoever leads it,” aniya.
“ Sana lang, maging mahinahon ang lahat lalo na ngayong malapit na ang SEA Games. We leave the politics to the politicians. All our skaters want is to skate and to skate for our country to give back the honor and pride to the Filipinos and to Philippine sports,” ayon pa kay Mendigoria.
Inahalintulad pa ni Mendigoria ang gulo ng POC sa isang tahanan na kung saan ay nagbabangayan ang mga magulang na ayon sa kanya, ang mga anak ang unang naapektuhan sa gitna ng pag-aaway.
“Parang bahay. Kapag ang mga magulang ay nag aaway at nagsisigawan sa harap ng mga bata, malaki ang imoact nun hindi sa mga magulang na nag aaway kundi sa mga bata na saksi sa away. We need to set aside issues during our preparation for the SEA Games and ayusin na lang dapat after it,” ayon pa kay Mendigoria.
-Annie Abad