IPINAGDIRIWANG ngayong araw, Hunyo 24, ng Maynila ang Araw ng Maynila, na paggunita sa araw na iyon noong 1572 nang ideklara ni Spanish Governor-General Miguel Lopez de Legaspi ang lungsod bilang kabisera ng Pilipinas at sentro ng pamahalaang kolonyal ng Espanya. Sa araw na ito, binuo niya ang Ayuntamiento, ang lokal na pamahalaan at ipinag-utos ang pagpapatayo ng muog upang depensahan ang lungsod.
Hindi lahat ng siyudad sa mundo ay makakapagbalik-tanaw sa maraming taon. Katatapos lamang nating ipagdiwang ang Pambansang Araw ng Kalaayaan nitong Hunyo 12, na pag-alala sa araw na ipinroklama ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya 121 taon na ang nakalilipas noong 1898. Ang pagdiriwang ngayon ng Araw ng Maynila ay pagbabalik sa kaganapan, 447 taon na ang nakalipas noong ika-16 na siglo.
Maging noong araw na iyon noong 1572 na kasabay ng paglakas ng kolonyal na kapangyarihan ng Espanya sa Far East ay hinigitan ng daang taon ng pagkakatatag ng Maynila. Tinutukoy ng isang natagpuang artifacts na kilala ngayon bilang Laguna Copperplate Inscription (LCI), na mula noong 3,000 BCE, ang May-nila (kung saan natagpuan ang mga Indigo) bilang itinatag na tirahan at sentro ng kalakalan malapit sa bunganga ng Ilog Pasig.
Binabanggit sa LCI ang mga Tagalog at Kapampangan na umookupa sa lupa na napalilibutan ng Manila Bay, kung saan ang sentro ng Tagalog ay sa Tondo. Nakatala sina Rajah Matanda ng Sapa, Lakan Dula ng Tondo, at Rajah Sulayman ng Macabebe bilang mga nakipaglaban sa mga mananakop na mga Espanyol na unang dumating noong 1571. Habang ang iba pang tribong Pilipino ay nasa hilaga, sa Visayas, Mindanao at iba pang mga isla.
Dumating ang mga Espanyol, na pinangungunahan ng manlalayag na Portuguese na si Ferdinand Magellan noong Marso 16, 1521 at nanatili sa sumunod na apat at kalahating siglo hanggang nag-alsa at nagpasimula ng rebolusyon sina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo noong 1898 at ang mga Amerikano, na nakipaglaban sa digmaang Espanyol-Amerikano, ay nagwagi noong 1901.
Marami ang maibabahagi ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan hinggil sa panahon ng Espanyol at mga Amerikano na humulma sa pambansang katauhan, lipunan at pamahalaan sa mga taong nanirahan sa mga isla sa nakalipas na mga siglo. Nagsisimula pa lamang nating malaman ang panahon bago dumating ang mga mananakop noong nakikipagkalakalan ang mga Pilipino at nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tao sa bahaging ito ng daigdig tulad ng India sa kanluran at Tsina sa hilaga.
Ngayon, sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila bilang special non-working day sa bisa ng Presidential Proclamation 731 na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa kapangyarihan ni Pangulong Duterte, alalahanin nating lahat na tayo ay mga taong naninirahan na sa mga islang ito bago pa dumating ang mga mananakop mula Europa at Amerika. Patuloy tayong magsaliksik para sa mga tala ng mga pinakaunang panahon ng ating bayan.