“WALANG joint investigation. Ang Pilipinas at ang China ay gagawa ng kani-kaniyang imbestigasyon,” pahayag ni Foreign Secretary Teodoro Locsin, Jr. sa kanyang tweet. Nanawagan din siya sa kanyang mga kasama sa Gabinete na huwag makialam sa isyu dahil ito ay nasa hurisdiksyon ng Department of Foreign Affairs, Department of National Defense at Office of the National Security Adviser.
Ang isyu na binanggit ni Sec. Locsin ay ang pagbangga ng trawler ng China sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa West Philippine Sea at pag-abandona sa kanila nang lumubog ang kanilang bangka. Kasi, iminungkahi ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pulong ng Cabinet Security cluster noong Lunes ang pagsasagawa ng joint investigation ng dalawang bansa. “Maluwag na tinatanggap ng Pangulo ang joint investigation at ang maagang pagreresolba ng kaso,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
“Upang makahanap ng wastong solusyon, iminumungkahi namin ang joint investigation sa lalong madaling panahon upang magpalitan ang dalawang panig ng mga resulta ng kanilang inisyal na imbestigasyon at maayos ang bagay na ito base sa napagkaisahang mga resulta ng imbestigasyon,” wika ni Chinese foreign ministry spokesperson Lu Kang sa pahayag na inilibas ng Chinese Embassy sa Maynila noong. Huwebes. Parang si Sec. Guevarra ang humirit ng joint investigation na ayon kay Panelo, ay tinatanggap ng Pangulo. Ang China ay nagmungkahi nito tatlong araw pagkatapos gawin ito ni Guevarra. Kaya, mga Pilipino na nga ang mga nabiktima, ang kanilang opisyal pa ang nagmungkahi na ang imbestigasyon sa nangyari ay gawin kasama ang nang biktima sa kanila.
Pero, para saan pa ang joint investigation na ito? Ang mayabang na pagtutol ni Locsin dito ay wala ring silbi. Mayroon bang magandang resulta kung sasarilinin natin ang pag-iimbestiga na kanyang isinusulong? Inayunan na natin ang nais palabasin ng China na ang pagbunggo sa bangkang pangisda ng mga Pilipino ay hindi sinasadya. Ang imbestigasyong ginawa natin lalo na ni Agriculture Secretary Manny Pinol ay pinalabo at ginawang may duda ang naunang deklarasyon ng mga mangingisda na sadya ang pagbunggo sa kanila ng Chinese trawler. Nangyari ito nang dalawin ni Pinol ang mga mangigisda sa kanilang tinitirahan sa San Jose, Occidental Mindoro na may dalang tulong na mga bangka, pagkain at salapi. Pagkatapos ng kanilang pakikipag-usap kay Pinol, ang kapitan ng barko na si Junel Insigne, na naunang nagdeklara na sinadya ng barko ng China ang pagbunggo sa kanilang bangka, ay nagbago ng pahayag at sinabi na hindi na niya sigurado kung ang pagbunggo sa kanila ay intentional.
Ang depensa ng China na hindi nila natulungan ang ating mangingisda sa takot na makuyog sila ng mga Pilipino na nasa 7 o 8 bangka, na naunang sinabi ng mga mangingisda at maging si Aquatic Resources Regional Director Elizer Salilig na walang ibang fishing vessel sa pinangyarihan ng insidente, ay madaling maayos. Mga coast guard at taga Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na kontrolado nina Pinol at Defense Sec. Delfin Lorenzana, ay higit na madaling kausapin kaysa mga mangingisda upang ayunan ang China na may mga bangkang Pilipino na nasa lugar. Sino kaya ang mabobola nila sa scam na ito?
-Ric Valmonte