Mga Laro sa Huwebes
(Rizal Memorial Baseball Stadium)
8:00 n.u. -- ADU vs NU (Bronze Medal)
11:00 n.u. -- PAF vs Thunderz (Championship)
PINATAOB ng mga beteranong koponan ng Philippine Air Force Lawin at Thunderz All-Stars ang kani-kanilang nakatunggaling collegiate squads upang umusad sa championship round ng 2019 PBL Open Conference nitong Sabado sa Rizal Memorial Baseball Stadium sa Manila.
Ginapi ng Air Force ang Adamson University Soaring Falcons, 4-1,sa unang semifinals bracket para maangkin ang unang finals berth.
Naiiwan sa iskor na 0-1 papasok ng 0-1 sixth inning, sinamantala ni Ferdinand Liguayan ang fielding error ni Adamson first baseman Aaron Mercado upang maitabla ang laban sa 1-1.
Sinundan ito ni Andro Guyugan ng isang base hit upang maisulong si Jon-jon Robles para sa go-ahead run.
Pagdating ng 7th inning kumunekta ng isang grounder si Junmar Diarao sa second base na naghatid kina Chris Galedo at Liguayan sa homeplate para sa ikatlo at ika-4 na runs.
“Mas mabibilis sila. Bumawi na lang kami sa last inning. Dinala na lang kami ng momentum namin nung seventh inning,” ani Liguayan.
Bumato para sa Air Force si Romeo Jasmin sa kabuuang pitong innings at nagbigay lamang ng 6 na hits at naka struck out ng 4 na batters.
Pinadapa naman ng Thunderz ang National University Bulldogs, 5-2 para makamit ang isa pang finals slot sa torneong sanctioned ng Philippine Amateur Baseball Association at suportado ng Philippine Sports Commission.
Nagparamdam si Vladi Eguia sa magkabilang dulo para sa All-Stars, matapos mag 2-of-3 at-bat para sa dalawang RBIs bukod sa pag struck out ng apat na batters sa apat ding runless innings.
Ngunit inabot ng pangingisig ng binti ang national team pitcher sa fourth inning kaya pinalitan sya ni Aids Bernardo na syang tumapos ng laban sampu ng 2-out rally na nakakuha ng 2 runs para sa Bulldogs.
“Sigurado gusto nilang bumawi sa amin. Sigurado naman na na-’warm up na sila’ dahil ang dami nila na nalaro na games,” ani All-Stars playing coach na si Bernardo na tinutukoy ang 8-2 nilang panalo sa Air Force noong opening day.
“Pitcher’s duel yan at kung sino unang makapalo sila din siguradong mananalo.”
Umaasa naman ang Air Force na maagang iinit ang kanilang laro upang masabayan ang Thunderz.
“Yung first game namin sa kanila, hindi lang tumama yung hitting namin. Sana bukas lumabas siya,” ayon kay Liguayan.
-Marivic Awitan