INILABAS ng Philippine National Police nitong Martes ang pinakabagong datos hinggil sa nagpapatuloy na war on drugs ng pamahalaan. Ang tala ay sumasakop mula Hulyo 2, 2016, sa simula ng pamamahala ng administrasyong Duterte hanggang nitong Mayo 31, 2019.
Sa 35 buwan, ibinahagi ni PNP chief Police Gen. Oscar Albayalde, sa isang command conference sa Camp Crame ang mga sumusunod:
-6,600 ang pinatay
-240,565 ang inaresto
-1,283,409 ang sumuko sa awtoridad
Sa naunang ulat ng PNP tungkol sa war on drugs hanggang noong Mayo 21, 2018, nasa 4, 279 ang namatay. Inilabas ito upang pabulaanan ang mga ulat ng kritiko na umaabot sa 12,000 ang napatay sa anti-drugs campaign. Gayunman, noong Mayo 2018, iniulat din ng PNP na may 22, 983 na “Deaths Under Campaign.” Umaasa tayo na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa lahat ng kasong ito, para na rin malinawan ang pagtingin na isang napakadugong kampanya laban sa droga ang naganap kung saan marami ang hindi patas na isangkot at napatay sa labis-labis na operasyon ng mga pulis.
Nabanggit din sa ulat ng PNP para sa 35 buwan ang mga sumusunod:
-12,177 ng 42,045 na barangay ang idineklrang drug-free.
-282 barangay ang nananatili na matinding apektado, 10, 835 ang medyo apektado, at 9,354 ang bahagyang apektado.
-Karamihan sa mga apektadong barangay ang nasa Bicol (2,530), kasunod ang Central Luzon (2,342), Central Visayas (2,293), Calabarzon (1,758), at Western Visayas (1,717). Sa Metro Manila, 1,525 na barangay ang nananatiling apektado.
--Nasa kabuuang P32.42 bilyong halaga ng ilegal na droga at ang kagamitan sa paggawa ang nakumpiska.
Ipinapakita ng istatistikang ito ang naging takbo ng anti-drugs campaign na inilunsad ni Pangulong Duterte sa umpisa ng kanyang administrasyon noong Hunyo, 2016. Sa mga unang buwan ng kampanya, pinangambahan ang pagmamalabis ng mga pulis, ngunit sa panahong pumalit ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamahala ng kampanya mula PNP, nagpatuloy ito sa naibalik na lakas at pagiging epektibo. Nakapukaw rin ito ng atensyon sa ibang mga bansa na nahaharap din sa katulad na problema sa droga.
Noong 2016 sa panahon ng kampanya para sa pagkapangulo, nangako si Pangulong Duterte na wawakasan ang problema sa droga sa loob ng tatlong buwan, na iniusod sa anim na buwan, nang unti-unti niyang matuklasan na higit na mas malaki ang problema kumpara sa inaakala ng sinuman. Ngayon sinasabi niyang magpapatuloy ang laban sa ilegal na droga hanggang sa dulo ng kanyang termino.
Ngayon na may bagong datos tayo na inilabas ng PNP. Tinatanggap natin ang tinatahak na daan nito at patuloy na sumusuporta sa kampanya upang mawakasan sa bansa ang problema sa droga, na ipinagpapatuloy nang may pagsunod sa batas at sa karapatang pantao.