PARA sa isang ‘megapolitan center’ gaya ng Metro Manila, katotohanan ng buhay ang magulong trapiko nito na palatandaan din ng progreso.
Kamakailan, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na gagawa siya ng hakbang upang maging limang minuto na lamang ang inaabot ng apat na oras na biyahe mula Cubao hanggang Makati na dadaan sa EDSA para mawakasan ang nakakainis na tagal ng biyahe sa naturang malapit na distansiya lamang.
Sa kanyang inspeksyon sa Ninoy Aquino International Airport NAIA) kamakailan din, iniutos ng Pangulo ang agarang paglipat ng ‘domestic airport’ sa Sangley Point, Cavite.
Matagal nang nakababagot ang isyu ng trapik sa mga paliparan. Idinadatos ito ng publiko sa kabiguan ng pamahalaan na isangkot ang mga pribadong mamumuhunan sa pagtatag ng mga bagong paliparan na dahilan din ng mabagal na pagsulong ng bansa.
Bago ang pahayag tungkol sa Sangley, may ilang ginawang pahayag na tungkol sa pagtatatag ng mga paliparan sa labas ng Kamaynilaan ng mga pribadong ‘investors’ ngunit wala pang nangyayari kaya marami ang nagdududa sa determinsyon ng pamahalaan na tugunan ang mga problema kaugnay sa mga paliparan.
Nananatiling pangarap pa rin ang pangakong solusyon sa trapik sa EDSA. At dahil libu-libong sasakyan ang nadaragdag taun-taon sa Kamaynilaan malamang maging panaginip na lang ang inaasam sa maginhawang biyahe sa Kamaynilaan.
Walang dudang kaya ng Pangulo na solusyunan ang naturang mga problema, ngunit kailan magkakaroon ng kaganapan? Tiyak, hindi ito mangyayari sa loob ng maigsing panahon.
Kabilang sa maaaring gawin upang mapabilis ang biyahe sa pagitan ng Cubao at Makati ang pagtatatag ng ‘subway train’; pag-alis sa lansangan ng mga lumang bus; pagbawal sa motorsiklo sa EDSA; pagbabawal na huwag gawing terminal, garahe at ‘motor pool’ ang tabi ng kalsada; at istriktong pagpapatupad ng batas trapiko.
Para naman matugunan ang problema sa paliparan, dapat pabilisin ang pagbubukas ng mga bagong ‘airports’ sa Bulacan at Cavite. Malaki ang maitutulong nito para mapaluwag ang NAIA. Maaari ring isentro na ang mga ‘international flights’ sa Clark at Bulacan at gawing ‘domestic airport’ na lamang ang NAIA.
Higit na mainam kung ang Sangley ay gawing pasilidad na lamang para sa mga pribadong eroplano, helicopter at katulad nitong mga kagamitan.
Hindi totoong walang solusyon sa trapiko sa Kamaynilaan. Naging dambuhalang suliranin ito dahil sa kawalan ang pananaw at kakulangan sa ‘political will’ ng mga opisyal na naatasang pangasiwaan ito.
Kapag isinakriprisyo sa kurapsiyon ang pambalanang kagalingan, tiyak na mawawala talaga ang kaayusan.
-Johnny Dayang