“MARITIME incident lamang ang nangyaring banggaan. Huwag ninyong paniniwalaan ang mga ignoranteng pulitiko na nais magpadala ng Philippine Navy. Hindi ka dapat magpadala ng gray ships doon. Banggaan lamang ito ng mga barko. Ang maritime incident ay maritime incident.
Higit na makabubuting maimbestigahan ito. Hindi muna ako mag-iisyu ng pahayag dahil wala pang imbestigasyon at wala pang resulta. Ang magagawa lang natin ay maghintay at bigyan ang kabilang panig ng karapatang marinig. Iyan ang mahalaga,” sabi ni Pangulong Duterte, sa kanyang talumpati sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy sa Sangley Point. Ito ay kanyang naging reaksiyon hinggil sa insidente sa pagitan ng Chinese trawler at bangkang pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank o Reed Bank sa West Philippine Sea, na nasa loob ng 370-kilometer exclusive economic zone ng Pilipinas sa South China Sea. Sa kanya, maliit na bagay lang ito sa sa pagitan ng dalawang barko. Wika niya: “Dalawang barko lang iyan. Ngayon, pupunta ka roon at gagawa ng tension. Sinabi ko na hindi ako loko-lokong pangulo para pahintulutan ito. Kung kinakailangan tayo ay mamatay, mamatay tayo sa tamang paraan na may dignidad, hindi lang basta babangga tayo ng tao.”
Pero, isang linggo na ang nakaraan bago umimik ang Pangulo. Nauna nang nagsalita si Defense Secretary Delfin Lorenzana hinggil sa isyu. “Kinokondena namin ang karuwagang aksiyon ng Chinsese vessel at ang kanyang crew sa pag-aabandona sa mga Filipino crew. Hindi ito inaasahan sa mga taong responsable at kaibigan,” wika niya. Kasi pagkatapos mabangga o banggain ng Chinese trawler ang bangkang pangisda ng mga Pilipino, na nakaangkla lang sa lugar, lumubog ito at iniwan ng Chinese trawler ang mga Pilipino na lulutang-lutang sa karagatan. Ilang oras din silang nasa ganitong kalagayan nang sagipin sila ng Vietnamese vessel. Kaya, noong una, kinondena rin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang ginawa ng Chinese trawler na “barbaric” at “outrageous.” Nagsampa naman si Foreign Secretary Teodoro Locsin, Jr. ng diplomatic protest laban sa China at ipinaabot sa kaalaman ng United Nations International Maritime Organization ang paglabag nito sa laws of the sea. Ngayon, lumambot na at kumambiyo sina Lorenzana at Panelo pagkatapos nilang marinig ang Pangulo.
Binigyan ng Pangulo ang China ng pagkakataon para marinig ang kanyang panig. Pero, ang sinabi ng Pangulo na karapatang ito ng China ay ipinagkait niya sa napakaraming Pilipinong napatay sa pagpapairal niya ng war on drugs. Pero, ang isyu na higit sanang isinaalang-alang ng Pangulo ay hindi kung sinadya o hindi ng China ang insidente kundi iyong pag-abandona sa mga Pilipinong kakawag-kawag sa karagatan sa gitna ng kadiliman. Kaya, iyong pagmamaliit ng Pangulo sa nangyaring banggaan noong una ay masama sa panlasa ng mga Pilipinong mangingisda. “Paano kung kami ay namatay?” tanong nila.
-Ric Valmonte