NAGKAROON ng magandang pagpupulong sina Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada at manunungkulang Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa opisina ng alkalde sa City Hall ng Maynila nitong Lunes.
“We organized this turnover ceremony to assure our people that the transition process in Manila will be smooth and respectful as it should be,” pahayag ni Mayor Estrada. “Mayor Moreno and I both respect the democratic process. Tapos na po ang halalan. Magkaisa na tayo para sa ating minamahal na lungsod.”
“Salamat sa mainit na pagtanggap,” tugon naman ni Mayor Moreno. “This only shows how broadminded our incumbent mayor is. I am happy. We are grateful.”
Isang mapait na karanasan ang naganap na halalan nitong nakaraang buwan para sa maraming kandidato, lalo’t bahagi na ito ng ating lokal na eleksyon, kumpara sa mga pambansang posisyon. Sa lokal na halalan, lalo na sa pagka-mayor at gobernador, higit na kasangkot ang mga botante. Bukod sa mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan, nariyan din ang personal na interes ng kandidato, kanilang mga kamag-anak at ng kanilang pinakamalalapit na tagasuporta.
Sa lokal na pamahalaan din pinakamakikita ang ebidensiya ng political dynasties sa Pilipinas, kung saan nagpapalitan lamang ang mga miyembro ng makapangyarihang pamilya bilang mayor o gobernador o kongresista. Ang mga Estrada ay isang halimbawa ng malaking pamilya ng mga politiko, kung saan ilang mga miyembro ng pamilya ang nanungkulan na sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan sa ilang mga siyudad at probinsiya, gayundin sa pambansang puwesto.
Tulad ng pagkakakilala sa kanya, agad na tinanggap ni Mayor Estrada ang resulta ng huling halalan sa pagka-mayor ng Maynila, na tulad sa mga nakalipas, ay sinabi niyang,“Pa-weather weather lang yan” –ang kilalang bersyon ni Erap ng “Pana-panahon lang yan.”
At nito ngang Lunes, sinalubong niya ang bagong Maynila Mayor Isko Moreno na hiniling niyang ipagpatuloy ang, aniya’y pinakamahahalagang programa ng kanyang administrasyon—ang Manila Dialysis Center, scholarship sa mga mag-aaral, at regalo para sa mga senior citizen. Bilang tugon, siniguro naman ni Morena na gagawin niya ang lahat upang mapanatili ang mga programa kasabay ng paglulunsad ng kanyang mga bagong programa para sa lungsod.
Nagpakita nang magandang halimbawa sina Mayor Erap at Mayor Isko para sa lahat ng ating mga opisyal, pambansa at lokal, na naglaban sa isa’t isa nitong Mayo 13. Lumipas na ang eleksiyon. Panahon na para umaksiyon.