KUNG sa ibang bansa ang mga “indigenous people” o IP ay iniingatan at minamahal upang pangalagaan ang kanilang kultura, dito sa atin ay palabigasan at gatasan sila ng mga opisyal ng ahensiya ng pamahalaan na dapat ay tumutulong sa mga ito.
Kadalasan pa nga, ang sobrang paghihirap ng mga IP dito sa atin ay sinasamantala ng mga teroristang grupo upang isulong ang kanilang makasariling adhikain, ang ibagsak ang pamahalaan gamit ang puwersa ng naghihirap na IP. Mga natibo nanaitaboy na sa malayong kabundukan mula sa kanilang “ancestral home” na pinagpapasasaan naman ng mga corrupt na opisyal ng pamahalaan at ganid na negosyante.
Ito ang aking naging pananaw nang makaharap ko si Datu Hilario Abbatuan, ng B’Laan Tribe ng Polomoloc, South Cotabato, na humingi ng tulong sa mga mamamahayag upang ipaabot kay Pangulong Duterte ang kurapsiyong nagaganap sa dapat sana’y naipamahagi na sa kanilang 18,000 ektaryang ‘ancestral domain’ ng B’Laan Tribe.
Sa News Forum na Balitaan sa Maynila, na ginanap sa Bean Belt Coffee sa Dapitan Street, Sampaloc, Maynila noong Linggo, isiniwalat ni Datu Abbatuan, ang ‘Attorney-In-Fact’ ng B’Laan Tribe, na sa halip na ang mga IP ng B’Laan Tribe ang makinabang sa kanilang lupain – na kumpleto naman sa lahat ng dokumento na magpapatunay na pag-aari ito ng kanilang tribu – ang kumpaniyang DOLE Philippines ang nakikinabang dito matapos na gawing taniman ng pinya.
Ayon kay Datu Abbatuan, ang DOLE Philippines ay isang multi-billion company na dating pinapatakbo ng mga negosyanteng Pilipino na sa ngayon ay hawak na ng mga negosyanteng Hapones.
Walang kaalam-alam ang mga Hapones na ang renta sa lupain na kanilang ibinabayad ay hindi sa kamay ng mga B’Laan Tribe napupunta, bagkus sa mga miyembro lamang ng isang kooperatiba na pinamamahalaan umano ng mga ganid na opisyal ng pamahalaan.
Ang taunang renta sa isang ektarya ay P35,000– kaya tumataginting na P6.3 bilyon kada taon – para sa 18,000 ektaryang lupain na pag-aari ng B’Laan Tribe. Kanino kayang malalalim na bulsa napupunta ang bilyones na ito?
Malamang ang sinasabi ni Datu Abbatuan na mga opisyal ay galing sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR); National Commission on Indigenous People (NCIP); Department of Agrarian Reform (DAR); at lokal na pamahalaan ng SOUTH COTABATO. Makailang ulit na umano nilang nilapitan ang mga ito, bitbit ang mga dokumento na patunay na dapat nang mapasakamay ng mga IP na B’Laan Tribe ang kanilang “ancestral domain,” subalit pinaikut-ikot lamang umano sila ng mga ito.
Libo ang naghihirap na mga kabilang sa B’Laan Tribe samantalang ang mga pinalad (malakas sa mga opisyal kahit na mga hindi natibu B’Laan) ay 42 pamilya lamang na pinagkalooban ng Certificate of Land Owenrship (CLOA) sa isang pekeng seremonya. Sa naturang seremonya umano ay pinagsuot native ‘yung mga tumanggap ng CLOA samantalang ‘yung mga natibu B’Laan ay binira ng water canon ng mga bumbero!
“Kami po ay nagbabayad na ng amilyar sa mga loteng inuokupahan namin dahil nilagyan na rin kami ng mga muhon, na pinagkontribusyunan pa po naming mga katutubo para lang sa legalidad, pero sa sitwasyon ngayon ay iilan lamang sa mga B’laan ang sinuwerte na nagkaroon ng CLOA, gayong dapat e lahat ng mga pami-pamilyang B’laan ang dapat na makaukupa sa lugar namin. Ang kaso, dahil sa manipulasyon ng mga maiimpluwensiya sa probinsiya namin, eh mayorya sa mga katutubo ay pinagkaitan ng kanilang mga karapatan,” himutok Datu Abbatuan.
Banta pa ni Datu Abbatuan: “Baka parang bulkan na sumabog ang nagpupuyos na damdamin ng mga natibong B’Laan na nakararami sa aming lalawigan. ‘Wag na sanang hintayin pa ng ating pamahalaan na maganap ito bago bigyan ng pansin ang kanilang problema, na kung tutuusin ay hindi naman problema dahil ang hinihingi nila ay matagal ng rin naman naibigay na sa kanila ng pamahalaan – ‘yung pamamahagi na lang naman ang dapat nilang gawin!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.