Sinabi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na pinag-aaralan ng kanyang mga abogado ang posibilidad ng pagkakasa ng legal action kaugnay ng mahigit na tatlong oras na “detention” sa dating kalihim sa Hong Kong International Airport.

Ex-DFA Chief Albert Del Rosario

Ex-DFA Chief Albert Del Rosario

Bumiyahe ngayong Biyernes ng umaga sa Hong Kong para sa isang business meeting, pinigil si Del Rosario ng immigration authorities sa Hong Kong, kahit pa diplomatic passport ang gamit niya.

Sinabi naman ni Del Rosario na ang pagpigil sa kanyang makapasok sa Hong Kong ay “violation” sa Vienna Convention on Diplomatic Relations—ang tratadong nilagdaan noong 1961 na tumutukoy sa framework para sa ugnayang diplomatiko sa pagitan ng mga bansa at nagtatakda sa mga prebilehiyo ng diplomatic mission upang maisakatuparan ng mga diplomat ang kanilang mga tungkulin nang walang pananakot o pagkontra mula sa pinuntahang bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

HUMINGI NG PALIWANAG

Ayon kay Del Rosario, hiniling na nila sa Hong Kong immigration authorities ang “rational explanation” kung bakit siya pinigil ng mga ito.

Kaugnay nito, inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang DFA na imbestigahan ang insidente.

Si Guevarra ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na officer-in-charge sa gobyerno habang nasa Bangkok, Thailand ang Presidente para dumalo sa 34th Association of Southeast Asian Nation o ASEAN Summit hanggang bukas.

“As OIC (officer-in-charge), I will request the DFA to find out the reason for former SFA's (Del Rosario) exclusion and extend whatever assistance could be given to him as a former foreign minister of our country,” ani Guevarra.

PAREHO KAY MORALES

Ayon naman kay Guevarra, dapat ay inasahan na ni Del Rosario ang nangyari, na tulad din ng sinapit noong nakaraang buwan ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, na hinarang at pinigil din sa Hong Kong airport.

“But personally, I believe that the lesson derived from former Ombudsman Morales' similar experience should have been clear to him,” ani Guevarra.

Matatandaang magkasamang inihain nina Morales at Del Rosario sa International Criminal Court (ICC) noong Marso ang kasong “crimes against humanity” laban kay Chinese President Xi Jinping kaugnay ng pagkasira ng yamang dagat at pagkawala ng pagkakakitaan ng mga Pilipinong nangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

KONEKTADO SA ICC CASE

Naniniwala rin si Senator Panfilo Lacson na may kinalaman nga sa nasabing kaso sa ICC ang parehong kapalaran nina Morales at Del Rosario.

“That is not an assumption. It is what it’s all about,” ani Lacson. “First, a visa is a matter of privilege and not a right, as far as a visiting foreigner is concerned, and therefore denial of entry is within the right of the host country.”

Kinondena naman ni Sen. Risa Hontiveros ang sinapit ng 79-anyos na dating DFA secretary, at iginiit na malinaw namang “harassment” ang nangyari sa dalawang dating mataas na opisyal ng bansa.

-Roy C. Mabasa, Jeffrey G. Damicog, at Leonel M. Abasola