Ramirez, binaraw ang planong ‘postponement’ ng SEAG hosting
TULOY ang hosting sa 2019 Southeast Asian Games.

Mismong si Team Philippines Chef de Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez ang naniguro na hindi maantala at maapektuhan nang gusot sa Philippine Olympic Committee (POC) ang paghahanda ng pamahalaan para sa pinakamalaking sports events sa rehiyon.
“The SEA Games will proceed on November 30,” pahayag ni Ramirez sa media conference kahapon sa PSC bldg. sa Manila. “I was already brief by the Executive Secretary with the instruction by the President.”
Samu’t saring espekulasyon ang gumambala sa pagsasanay ng mga atletang Pinoy matapos ang biglaang pagbibitiw ni boxing chief Ricky Vargas bilang pangulo ng Olympic body sa gitna ng bantang ‘kudeta’ sa kanyang liderato ng ilang hindi nasisiyahang miyembro ng POC Executive Board na kinabibilangan ng mga opisyal na malapit sa dating POC chief na si Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Tinalo ni Vargas si Cojuangco sa isinagawang POC election na ipinag-utos ng Pasig Regional Trial Court matapos katigan ang hinaing reklamo ni Vargas noong Pebrero 2018 hingil sa pagdiskwalipika sa kanya na tumakbo sa POC election noong 2016. Kasama niyang nahala si cycling chief Abraham ‘Bambol’ Tolentino, habang nanatili ang komposisyon ng Board na binubuo nina first vice president Joey Romasanta, second vice president Jeff Tamayo, treasurer Julian Camacho, auditor Jonne Go, at mga miyembro na sina Clint Aranas ng archery, Cynthia Carrion ng gymnastics, Robert Mananquil ng billiards at Rep. Butch Pichay ng chess, IOC member Mikee Cojuangco-Jaworski at si Cojuangco.
Inihain ni Vargas ang pagbibitiw sa ginanap na pulong ng Board nitong Martes. Itinalaga ng Board si Romasanta bilang pansalamantalang pangulo batay sa umano’y ‘succession’ policy sa POC, ngunit, inaasahang kukuwestyunin ang naturang desisyon sa General Assembly meeting sa Hunyo 27, higit at nagpalabas ang grupo ni Romasanta ng press release na posibleng iatras ang SEA Games hosting sa first quarter ng susunod na taon. Ang GA ang pinakamakapangyarihan sa Olympic body.
Tahasang sinabi ni Ramirez na ang hidwaan sa loob ng POC ay hindi kailanman magiging balakid sa pagsasagawa ng biennial meet.
Hindi rin umano maalarma ang kanyang tanggapan bilang Chef de Mission (CDM) sakaling magkaroon ng bagong eleksiyon sa POC.
“We are not bothered about the election. The preparation should not be affected by what’s happening. Kahit mag eleksyon sila araw-araw, tuloy ang hosting ng bansa. ‘Yung problema ng POC sa kanila ‘yun. But I hope they can resolve their own problems,” pahayag ni Ramirez, itinalagang CDM ni Vargas bilang bahagi ng rigodon sa POC may isang buwan na ang nakalilipas na sinasabing naging mitsa sa pagkadismaya ng mga kaalyado ng grupo ni Cojuangco.
Pinalitan ni Ramirez bilang CDM si Monsour del Rosario ng taekwondo, tumakbong Vice Mayor sa Makati City, ngunit natalo nitong Mayo. Mismong si Romasanta ay sinibak din ni Vargas bilang CDM ng Team Philippines sa 2020 Tokyo Olympics at pinalitan ni Tolentino.
Pinatalsik naman ni Vargas si Richard Bachmann bilang head ng POC membership committee at pinalitan ni muay chief Lucas Managuelod, habang inalis niya si Cojuangco mismo bilang head ng Committee on Amendements.
Ayon kay Ramirez, hindi kailangan na madamay ang mga atleta sa nasabing kaguluhan ng POC, at handa siyang gawin ang trabaho sa ilalim ng kapangyarihan na iniatang sa kanya ng para sa biennial meet.
“I-isolate ang mga atleta. Since POC appointed me to be the CDM, I have the power to take good care of the Philippine Team,” sambit ni Ramirez.
Gayunman, umaasa pa rin siya na maayos ng POC ang gusot sa lalong madaling panahon, higit at limang buwan na lamang ang nalalabi bago ang pinakaabangang SEAG hosting.
-Annie Abad