Isang retiradong heneral ang itinalaga ni Pangulong Duterte bilang bagong presidente ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Kinumpirma ngayong Huwebes ni Health Secretary Francisco Duque III na si retired general Ricardo Morales ang napili ni Pangulong Duterte na pumalit sa posisyong binakante ni Roy Ferrer, kasunod na rin ng nabunyag na ghost dialysis scam sa PhilHealth.
Nauna rito, una nang sinabi ng pangulo na ililipat niya ng pwesto si Morales mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kung saan ito nagsilbi bilang board member.
Hindi pa naman masabi ni Duque kung kailan mauupo sa PhilHealth si Morales dahil hinihintay pa ang appointment paper ni Morales mula sa Malakanyang.
Unang lumutang ang pangalan ng doctor-businessman na si Jaime Cruz para maging pangulo ng PhilHealth, ngunit hindi umano nito tinanggap ang posisyon.
-Mary Ann Santiago at Beth Camia