NAGKAKAISA ang mamamayang Pilipino sa pagkondena sa ginawang pagbangga ng Chinese vessel sa fishing boat ng mga mangingisdang Pilipino na nakaangkla sa Recto Bank (Reed Bank) sa karagatan ng Palawan. Ang masakit nito, binangga na at nakitang lumubog ang bangka, hindi man lang tinulungan ang sisinghap-singhap na 22 mangingisda. Buti pa ang mga mangingisda ng Vietnam, tinulungan ang mga Pinoy.
Dapat lang na pagkalooban ang Filipino crew ng binanggang Gem-Vir 1 ng reparation at moral damages ng Chinese government. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakayang Pilipino (Pamalakaya), bukod sa pagkasira ng fishing boat ng mga Pinoy ng P2 milyon at pagkasira ng kanilang mga kagamitan, nawala at lumubog sa dagat ang may tatlong toneldang isda na kanilang nahuli.
Batay sa Pamalakaya, kabilang sa mga isda na nahuli ng Gem-Vir 1 crew ay high-value species o mamahaling uri ng isda, gaya ng Lapu-lapu (grouper) at maya-maya (red snapper). Tinatayang nagkakahalaga ng P540,000 ang nawalang mga isda na pinagtiyagaang hulihin ng ating mga mangingisda ng ilang araw sa gitna ng dagat.
Ang Gem-Vir 1 ay nakaangkla sa Recto (Reed) Bank nang ito’y banggain ng barko ng China noong hatinggabi ng Hunyo 9-- petsa ng PH-China Friendship Day at tatlong araw bago ang ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa mga dayuhang mananakop.
Kung si Pres. Rodrigo Roa Duterte ay hindi kumikibo (habang sinusulat ko ito) tungkol sa insidente sa dagat, dismayado naman si Vice Pres. Leni Robredo sa naging pahayag ng China, na maituturing daw na ordinaryong maritime accident ang nangyaring pagbangga ng Chinese vessel sa fishing boat ng mga Pinoy. Dismayado ang ating Pangalawang Pangulo sa katwiran ng Chinese Foreign Ministry na kaya raw umalis ang barko ng China at hindi natulungan ang mga sisinghap-singhap na Pinoy, ay dahil baka sila kuyugin ng may pitong fishing boats ng mga Pilipino. Tell it to the Marines. Kung may mga Pinoy boats doon, eh bakit ang Vietnamese vessel pa ang tumulong at sumagip sa mga Pinoy.
Sa puntong ito, hiniling ni beautiful Leni na may “balls” din pala sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kumilos, kilalanin at tukuyin ang mga Chinese crew na bumangga at sila’y pag-usigin at papanagutin. Dapat ding kilalanin na ang kaso ay nasa hurisdiksiyon ng Pilipinas.
Ayon kay VP Leni, ang ganitong pangyayari ay wake-up call sa Duterte administration na baguhin na nito ang malamyang polisiya/patakaran (passive policy) hinggil sa China at maging assertive sa pagtatanggol sa mga karapatan ng mga Pilipino.
May mga nagsasabi ngang malaya na tayo sa pananakop ng mga Kastila (Spain), sa mga Amerikano (US), sa mga Hapon (Japan), subalit parang hindi pa tayo nakalalaya sa takot sa bagong mananakop na tandisang dumadapurak at walang paggalang sa ating soberanya bunsod ng malamya, pusong-mamon at walang butong paninindigan ng ating mga lider! Pilipinas, kailan ka lalaya sa takot at ganitong sitwasyon?
-Bert de Guzman