“UMIKOT muna sila, binalikan kami, sinindi yung maraming ilaw, nung makita kaming lubog na, pinatay yung ilaw ulit, bago tumakbo palayo…Kung wala dun yung Vietnam, baka mamatay kami lahat.”
Ito ang binitawang salita ng nagsilbing kapitan ng FB Gemvil 1, na si Junel Insigne. Anim na oras na nagpalutang-lutang sa karagatan ang 22 mangingisda, bandang Recto Bank, kanlurang Palawan, pagkatapos sagasaan ang Pilipinong fishing boat ng malaking bapor ng China.
“Hit and run” ang naganap sa West Philippine Sea (WPS). Ang FB Gemvil 1 habang nakahimpil at nakaparada noong hatinggabi (noong nagdaang Linggo), batay sa salaysay, siguradong nasipat, tapos binalakan, at sadyang binangga ng mga singkit.
Layunin nila, hindi lang sindakin ang ating mga kababayang naghahanap-buhay, bagkus talagang lunurin ang paraw sa kalaliman ng dilim, sabay, isubo sa bunganga ni kamatayan. Malinaw na may nabuong plano, nag-utos, tapos nagsabwatan.
Kaya kahit ano pang palusot ang pinalilipad ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Geng Shuang, na kesyo nagkabanggaan ang dalawang nakalayag na sasakyan, at mistulang aksidente sa karagatan ang nangyari, aba’y magpapagoyo ba tayo muli?
Tulad sa panahon ni Pangulong FVR kung paano nila tayo pinaandaran na huwag mabahala sa mga istrukturang pinapatayo nila sa WPS.
Dahil ito raw ay pawang pasilidad para makadaong at agad makapagtago ang kanilang mga mangingisda sa panahon ng bagyo. Ginagago na tayo noon! Ngayon iniinsulto pa ang ating katalinuhan.
Kapag nagkibit-balikat ulit tayo at bumahag ang buntot sa China, hudyat ito sa Beijing na karapat-dapat talaga tayong bastusin, pagkat sarili nating dangal, handa nating i-walanghiya.
Ikumpara nga naman ang naging tugon ng ating pamahalaan sa kontrobersiya ng imported na basura na isinilid sa mga container van mula Canada at itinapon sa ating bansa sa malamyang pagtugon sa nabanggit na insidente?
Lagi kong habilin sa aking pantelebisyon na programa (‘Republika’) – “Magmasid, makialam, higit sa lahat, manindigan! Dahil walang magmamahal sa Pilipino kung hindi ang Pilipino”
-Erik Espina