MARAMI ang matagal nang nagtataka kung bakit hindi natin naaabot ang sapat na suplay ng bigas na kailangan para sa ating sariling mamamayan, bakit kinakailangan pa nating umangkat mula Vietnam at Thailand ng daang libong metriko tonelada kada taon.
Ang sagot ay dahil gumagastos nang hindi bababa sa P12 upang makaani ng isang kilong palay sa Pilipinas; habang kalahati lamang ng nabanggit na halaga, P6, ang ginagastos ng Vietnam. Ang malaking pagkakaiba ay dulot din ng mekanisasyon, na nakababawas ng malaki sa labor costs sa Vietnam at Thailand.
Sa isang talakayan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry nitong nakaraang Biyernes, sinabi ni Senadora Cynthia Villar, chairman ng Senate Committee on Agriculture, na isa pang dahilan ng mababang produksiyon ng palay sa Pilipinas ay ang patuloy na pagsandal ng mga Pilipinong magsasaka sa mga tradisyunal na ‘low-yielding’ uri ng palay.
Nakapagdebelop na ang ating mga siyentista sa Philippine Rice Institute ng mga bagong uri ng bigas na matibay sa sakit, tagtuyot, at pagbaha, at naglalabas ng mas maraming ani, ngunit ang mga natuklasan nila ay hindi pa nakaaabot sa lebel ng karamihan ng maraming Pilipinong magsasaka.
Ilan taon na ang nakalipas, nabanggit ni Secretary of Agriculture Emmanuel Pinol na ang pagsisikap ng kanilang ahensiya na imodernisa ang agrikultura ng Pilipinas ay naudlot dahil sa kakulangan ng pondo ng pamahalaan.
Bigas ang nasa sentro ng buhay ng maraming Pilipino. Nang magsimulang sumirit ang presyo noong nakaraang taon, kung saan umabot sa 6.7 porsiyento ang inflation bandang buwan ng Setyembre, pinigilan ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng presyo sa merkado sa pamamagitan ng pagsisiguro na may sapat na suplay ng bigas sa mababang presyo sa pamamagitan ng Rice Tarrification Law. Tinanggal ang lahat ng dating balakid sa pag-aangkat at pinahintulutan ang halos lahat ng importasyon na karamihan ay mula sa Vietnam at Thailand hanggat nasisiguro ang tamang pagbabayad ng taripa.
Gayunman, sa kasamaang-palad, habang nasisiguro ng batas ang sapat na suplay ng angkat na bigas para sa mga konsumer, nagdusa naman ang ating lokal na mga magsasaka.
Sa natitirang mga taon ng administrasyong Duterte, hinihikayat natin na bigyan ng lubos na suporta ang produksiyon ng bigas sa Pilipinas—malawakang pamamahagi ng magandang kalidad at uri ng bigas sa ating mga magsasaka, pagpapaunlad ng mekanisasyon upang mapababa ang labor cost, mas malawak na paggamit ng irigasyon upang mabawasan ang pagdepende sa tubig-ulan, at pag-oorganisa ng mga magsasaka at pagbibigay sa mga ito ng kinakailangang pinansiyal na suporta at pagtulong sa pabebenta ng ani.
Malaki ang maaaring gampanan ni Senadora Villar sa kabuuan ng hakbang, sa pagsusulong sa Senado na magpasa ng mas maraming batas na magkakaloob ng dagdag na pondo para sa agrikultura. Kailangang mapagtanto ng administrasyon na habang isusulong ng programang “Build, Build, Build” ang kabuuang pambansang ekonomikal na pagpapaunlad sa bansa, isang “ Plant, Plant, Plant” na programang nakatuon sa bigas ang magbibigay benepisyo sa mga Pilipinong magsasaka at sa masang Pilipino na nakadepende sa pagkain ng bigas.