NATIYEMPUHAN ni Boy Commute nang sopresang binisita ni Rep. Winston Castelo ang main training facility ng Angkas sa Taguig.
Nang dumating ang mambabatas, ito’y nakasuot ng maong at T-shirt na tila walang opisyal na pakay nang sumipot sa naturang pasilidad.
Laking gulat na lang ng mga staff ng Angkas nang bigla itong binigyan ng briefing sa mga safety measure na ipinatutupad ng ride-hailing motorcycle taxi company upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga pasahero.
Binigyan din ng pagkakataon si Congressman Winnie na sumakay sa isang Angkas motorcycle na idinaan sa training course at doon nagpa-otso-otso ang rider habang kaangkas ang kongresista.
Bago lumayo ang usaping ito, nais din naming ipaalam na magtatapos na ang termino ni Congressman Winnie sa Hulyo bilang miyembro ng Mababang Kapulungan. Nitong nakaraang eleksiyon, siya ay pinalad na mahalal bilang konsehal ng Ikalawang Distrito ng Siyudad ng Quezon.
Si Congressman Winnie ang chairman ng House committee on Metro Manila Development kaya’t tinutukan nito ang mga hakbang upang gawing legal ang mga habal-habal na bumibiyahe sa Kalakhang Maynila.
Solid ang suporta ni Congressman Winnie sa Angkas at layunin nitong maging legal.
Kaya’t maging sa mga huling araw ng kanyang pagiging kongresista, pinilit din nitong makabisita sa main training facility ng Angkas upang masiguro na ito ay tumutugon sa mga requirement na inilatag ng technical working group ng Department of Transportation (DOTr) bago ito ipinagkalooban ng 6-month pilot run period.
Tiniyak ni Congressman Winnie na hindi sasablay ang Angkas kapag ininspeksiyon na ng TWG ang mga safety measure na ipatutupad ng motorcycle taxi company kapag nagsimula na ang test run.
Bago lumarga si Congressman Winnie sakay ng Angkas motorcycle service, inabutan ito ng malinis na hair cap at face mask na ibinibigay ng libre sa mga pasahero.
Pinahiram din ito ng Angkas helmet na kanyang isinuot. Sinundan ito ng isang safety briefing ng Angkas rider at isa-isang inihayag ang mga pinagbabawal sa mga pasahero.
Ipinakita rin ng Angkas rider ang isang leaflet kung saan nakasaad ang mga safety measure.
Hindi maitago ni Congressman Winnie ang kanyang pagkabilib sa propesyunalismong ipinamalas ng Angkas rider.
Itinuro rin sa kanya ang tamang paghawak sa rider vest na mayroong handle strap kung saan dapat humawak ang pasahero. Ito ang unang pagkakataon na makatitikim ang mga pasahero ng Angkas ng may makakapitan sa tuwing sila ay sasakay sa motorsiklo.
Dati-rati’y madalas ito ang pinagmumulan ng argumento ng pasahero at Angkas rider.
Ano nga pala ang sinabi ni Congressman Winnie: O, Angkas na!
-Aris Ilagan