Dahil umano sa pagiging kaskasero ng driver, sugatan ang 13 pasahero ng jeep nang mabangga sa bakod ng isang bahay sa Barangay Parang, Marikina City, nitong Miyerkules.

KASKASERO_ONLINE

Pawang nasa maayos nang kondisyon ang mga pasahero, na hindi na binanggit ang mga pangalan, habang tinutugis ang jeepney driver na kinilalang si Wawi Gerbacio, 21.

Sa ulat ng Marikina City Police, naganap ang aksidente sa tapat ng bahay 146 BG Molina Street, Bgy. Parang, dakong 11:15 ng gabi.

Tio Moreno, nagpasaring kay Nicolas Torre III

Minamaneho ni Gerbacio ang jeep (TWG-497) at binabagtas ang pasilangang direksiyon ng BG Molina.

Ayon sa awtoridad, mabilis ang takbo ng jeep at nag-overtake at lumipat sa kabilang linya, at muntik nang masalpok ang kasalubong na behikulo.

Umiwas si Gerbacio at pumihit sa kanan at tuluyang bumangga sa pader ng bahay sa naturang lugar.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagkasuson-suson ang mga pasahero nito sa unahang bahagi ng sasakyan at nasugatan, habang tumakas si Gerbacio.

Mahaharap ang suspek sa reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property.

-Mary Ann Santiago