MALAKING impluwensiya sa pagkatalo ng mga manok ng administrasyon na tumakbong kongresista noong nakaraang halalan ang usad pagong na pagpasa ng Kongreso sa pambansang budget para sa taong ito.
At sa wari ko’y ito ngayon ang magiging pangunahing basehan ng mga nakaupong mambabatas sa Kongreso sa pagpili nila ng Tagapagsalita ng Kamara de Representante (Speaker of the House of the Representatives) upang di na maulit muli ang pagkakaantala sa pagpasa ng pambansang budget.
Sobrang maingat ang mga mambabatas natin ngayon sa pagpili ng susunod na mamumuno sa kanila bilang Speaker at tatlo ang lumalabas na magkakatunggali rito—Sina Rep. Allan Peter Cayetano ng Taguig City-Pateros; Rep. Lord Allan Ray Velasco ng Marinduque; at Rep. Martin Romualdez ng Leyte. Mayroon pang nasisingit na tatlo na sa wari ko’y panggulo lamang dahil ‘di naman matunog ang kanilang pangalan.
Isa sa panggulo ay si Rep. Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte, ang dating Speaker na nagparamdam na gustong makabalik sa puwesto subalit hindi naman kinakikitaan ng sigla ang kanyang pagtatangka. Ang problema kasi, marami siyang naging kaaway saKongreso, at karamihan sa mga ito ay ayaw na siyang pabalikin bilang Tagapagsalita!
Sa tantiya ko, walang malinaw na paninindigan sina Cayetano at Velasco sa usapin ng budget. Wala man lang akong maalala na binitiwan nila, ni katiting na salita patungkol dito. Wala silang maipangako sa mga kasamahang mambabatas dahil tila mas abala sila sa pamimintas sa isa’t isa. Puro pahangin lamang ang naririnig sa kanila, sa halip na magbigay liwanag kung ano gagawin nila para sa ikasusulong ng Kongreso.
Kabaligtaran sila sa nakikita kong ikinikilos ni Romualdez na ibinandera agad ang kanyang paninindigan pagdating sa usapin ng pambansang budget – na ‘di ito dapat na maantalang muli sa pagpasa sa Kongreso, para sa 2020 at sa mga susunod na dalawang taon, sa kanilang pagsisilbi sa bayan bilang mga miyembro ng 18th Congress.
May tatlong puntong programa si Romualdez upang maiwasan ang pagkabalam sa pagpasa ng pambansang budget. Una, kailangang makahanap ang Kongreso ng mabisang paraan upang maiwasan ang anumang pagkabalam ng pambansang budget sa sandaling isumite na ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa 2020.Kailangan na harapin agad ito ng Kongreso upang maipasa bago sumapit ang Kapaskuhan.
Nakatakda sa Saligang Batas na ang nakaupong pangulo ang magbibigay ng panukalang pambansang budget sa pagtatapos ng kanyang State of the Nation Address (SONA), sa pagbubukas ng regular na session ng Kongreso tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo.
Ikalawang punto, kailangan aprubahan ng Kongreso ang isang supplemental budget upang ibalik ang ilang hindi inaprubahang bahagi ng pambansang budget para sa 2019. Partikular ang mga proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P95 bilyon. Naipangako na kasi ng Pangulo na muling ibabalik ang mga ito kahit kasama na sa mga na-veto noong Pebrero.
Ikatlong punto, kailangang pag-aralan muli ang mga pinanggagalingan ng pondo na sumusuporta sa pambansang budget. Marami rin naman kasing mga naipon na pondo o savings, at maaaring magamit ito sa mga proyektong ‘di natuloy dahil sa kakulangan ng pondo. “Hindi dapat maantala ang implementasyon ng mga proyekto dahil sa kakulangan ng pondo,” ani Romualdez.
Nanininiwala si Romualdez na kapag naipatupad ang tatlong ipinupunto niyang programa para sa pambansang budget, makakabangong muli ang pambansang ekonomiya mula sa pagiging matamlay sa unang bahagi ng 2019.
Ipinagdiinan niRomualdez na ‘di dapat maulit muli ang pagkakaantala sa pagpasa ng pambansang budget na nagpabagal sa takbo ng ekonomiya ng ating bansa: “Trabaho ng isang Speaker na maipasa nang mabilis at maayos ang pambansang budget!”
O kayo sino ang manok ninyo para maging Speaker of the House?
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.