SA gitna ng iba’t ibang insidente na kinasasangkutan ng isyu sa pag-angkin at interes ng Pilipinas sa ilang bahagi ng South China Sea (SCS), ang bahagi ng tubig na nasa kanluran ng Pilipinas na naghihiwalay sa atin mula sa China sa hilaga, Vietnam sa kanluran, at Brunei at Malaysia sa Timog, ilang opisyal ng Pilipinas ang nagpahayag ng saloobin upang balikan at pag-aralan ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Nitong nakaraang Biyernes, muling nabanggit ni US Ambassador Sung Kim, sa isang panayam sa telebisyon, ang pangako ng Amerika na kilalanin ang probisyon ng kasunduan na nagbibigkis sa dalawang bansa upang suportahan ang isa’t isa sa kaso ng isang armadong pag-atake.
Sa Artikulo IV ng Mutual Defense Treaty noong Agosto 30, 1951, sinasabi na: “Each party recognizes that an armed attack in the Pacific Area on either of the parties would be dangerous to its own peace and security and declares that it would act to meet the common dangers in accordance with established processes.”
Idinaragdag din ng Artikulo V na: For the purpose of Article IV, an armed attack on either parties is deemed to include an armed attack on the metropolitan territory of either of the parties or on the island territories under its jurisdiction in the Pacific or on its armed forces, public vessels, or aircraft in the Pacific.”
Iminungkahi ni Secretary of Defense Delfin Lorenzana na pag-aralan ang kasunduan upang linawin ang maraming probisyon na maaaring magdulot ng nagkakatalong interpretasyon. Halimbawa, espesipikong sakop nito ang mga islang teritoryo sa ilalim ng hurisdiksyon ng bansa sa Pasipiko. Kasama ba rito ang mga isla na nasa South China Sea, na lumalabas na bahagi ng katubigan sa kanluran ng Pilipinas, na kaiba sa Karagatang Pasipiko na nasa silangang bahagi natin?
Sa kanyang panayam, sinabi ni Ambassador Kim na sinabi ni US Secretary of State Mike Pompeo na ang South China Sea ay bahagi ng Pasipiko, at samakatuwid, sakop ng kasunduan ang anumang armadong pag-atake sa South China Sea. Kung ito nga ang interpretasyon ng State Department, maiging linawin ito sa muling pag-aaral ng kasunduan.
Tumutukoy rin ang kasalukuyang kasunduan sa “island territories currently under its jurisdiction.” Ang Panatag, na nasa 118 milya kanluran ng Zambales, ay hindi teritoryo ng Pilipinas ngunit bahagi ng 200-mile Exclusive Economic Zone. Ang Recto Bank, na nasa 85 milya kanluran ng Palawan, ay bahagi rin ngunit hindi naitatatag na teritoryo ng Pilipinas. Sakop ba ang mga ito ng kasunduan?
Sa katunayan, ito ang ugat ng kasulukuyan sigalot natin sa China. Iginigiit natin ang ating karapatan sa ilang isla at gayundin ang Vietnam, Malaysia, at Brunei sa ibang mga isla, habang birtuwal na inaangkin ng China ang buong South China Sea sa ilalim ng lumang nine-dash-line na mapa. Noong sinaunang panahon, digmaan ang ginagamit na solusyon ng mga bansa sa ganitong usapin, ngunit sa panahon ng nukleyar, hindi sagot ang digmaan. Maaayos lamang ang nagkakatalong pag-aangkin sa pamamagitan ng negosasyon, sa tulong nawa ng United Nations.
Kaya naman maingat tayong umaaksiyon sa kasalukuyang isyu sa South China Sea. Dapat din tayong maingat na magpatuloy sa talakayan sa US hinggil sa pagbabago at pagpapatupad ng ating Mutual Defense Treaty. Mas malinaw na probisyon ng kasunduan ang makatutulong sa anumang hindi pagkakaunawaan sa hinaharap at magsisilbing pananggalang sa anumang padalos-dalos na aksiyon ng anumang bansa.