NITONG Hunyo 15, 74 na taong gulang na sana ang kaibigan ko, ang pumanaw nang si Senator Miriam Defensor Santiago. May matalinong banat sana uli siya tungkol sa kung paano niya napapanatili ang kanyang ganda habang nagmumukhang bakterya ang kanyang mga kaaway. Minsan na siyang na-quote sa pagsasabing simple lang ang kanyang pangarap— “I desire only to be known as the Demi Moore of Philippine politics.” Para sa akin, walang panama si Demi sa kanya.
Higit sa lahat, ang mga tunay na nakakikilala at nagmamahal sa kanya ay magdiriwang sana para sa buhay ng isang natatanging nilalang—matalino, matapang, mapagmahal, at tapat. Isa siyang dakilang lingkod-publiko (na pinatunayan ng kanyang Ramon Magsaysay Award) at isang first-class human being (ang malalapit niyang kaibigan ang magpapatunay nito).
Naaalala ko si Miriam bilang isang mapagmahal at mabuting kaibigan. Siya ‘yung tipong laging maririnig ang halakhak sa gitna ng kuwentuhan. ‘Yung gagabayan ka nang maayos sa matalino niyang mga payo. ‘Yung maninindigan para sa ‘yo at hinding-hindi ka iiwan, anuman ang mangyari.
Napatunayan ko ito noong kinukuyog ako ng mga kalaban sa pulitika na itinuring akong banta noong ako ay Senate President. Sa kabila ng mga kasinungalingan at pag-atake, hindi ko naramdamang nag-iisa ako. Kakampi ko si Miriam. Siya, kasama sina Joker Arroyo at Nene Pimentel, ang nagtatanggol sa akin habang pinapayuhan ako tungkol sa legalidad ng mga usapin noon. Isa ito sa mga dahilan kaya nakumbinse akong tamang landas ang aking tinutunton—tagapayo ko ang pinakamahuhusay sa batas, ang mga taong may hindi matatawarang integridad, na naniniwala sa lahat ng aking ipinaglalaban.
Itinuturing ko ang sarili ko na masuwerte sa pagkakaroon ng oportunidad na makilala si Miriam, bilang isang napakabuting tao, at hindi lang ang Miriam na kilala ng publiko. Ang Miriam na bagamat may napakatalim na dila sa kanyang mga kaaway, ay napakainit naman ng yakap sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Ang Miriam na sa labas ng bakbakang pulitikal ay isang mabait, malumanay, at mapagmahal na kaibigan.
Noong panahong ilunsad niya ang una niyang kampanya sa pagkapangulo taong 1992, nagsisimula naman ako sa una kong pagsabak sa politika. Nagdadalawang-isip ako noon sa pagkandidato dahil abalang-abala ako noon sa pagpapalawak ng aking negosyo. Mainit naman noon si Miriam sa pagpupursigeng mawakasan ang tradisyunal na presidential politics sa bansa.
Isa iyon sa mga unang laban namin nang magkasama, magkakampi. Minsan niyang nabanggit, “Entering politics is a fate worse than death.” Subalit ang magandang Ilongga—na nag-aalmusal ng death threats—ay handang-handa sa laban. At kapwa siya naging matagumpay sa serbisyo publiko at sa kaakibat nitong politika.
Sa 21 taon ko sa serbisyo publiko, marami akong nakilala na iba’t ibang politiko, subalit aapat lang sa kanila ang pinakahinangaan ko (isusulat ko ang tungkol sa kanila sa mga susunod kong kolum). Isa si Miriam sa kanila. Sa totoo lang, nag-iisa lang siya. Hindi lamang dahil sa husay niya sa pagsasalita at sa malawak niyang bokabularyo. Kahanga-hanga ang kanyang hindi nagmaliw na paninindigan sa tama, sa makatarungan, at sa kung ano lang ang totoo.
Tuwing mag-uusap kami tungkol sa mga isyung politikal, natututo ako mula sa kanyang napakalawak at napakalalim na kaalaman, pero mataman din niyang pinakikinggan ang aking sinasabi. Maaaring nakagugulat ang kuwento kong ito para sa marami, na nasasaksihan kung paanong hindi binibigyan ni Miriam ng kahit na isang segundo ang kanyang kausap, dahil sa tuluy-tuloy niyang pagsasalita.
Hinihimok ko ang kabataan, partikular na ang mga millennials, ang GenZ, at ang mga mas bata pa, na magbasa tungkol sa kanya at aralin ang kanyang buhay. Basahin ninyo ang kanyang witty quotes, ang kanyang mga sikat na hugot lines, gayundin ang kanyang mga speeches—ang kanyang talumpati nang tanggapin niya ang kanyang Ramon Magsaysay Award ay tunay namang napakaelegante. Sa tuwing nangangampanya, prayoridad ni Miriam ang mga campus events higit sa ano pa man. Nais niyang makasama ang matatalinong kabataan na totoo namang pag-asa ng ating bayan.
Halos tatlong taon na siyang nasa piling ng Diyos. Nami-miss ng politika at mismong tayong mamamayan ang uri ng katapangan at katalinuhang siya lamang ang maaaring magtaglay. Subalit nananatili ang mga alaalang iniwan niya sa atin. Habambuhay itong nakaukit sa ating mga kaluluwa.
-Manny Villar