Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

4:30 n.h. -- Rain or Shine vs Northport

7:00 n.g. -- Meralco vs NLEX

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

TARGET ng Northport Batang Pier na makisosyo sa liderato sa pakikipagtuos na mainit ding Rain or Shine Elasto Painters sa unang laro ng double header sa PBA Commissioner’s Cup elimination ngayon sa MOA Arena.

Nakatakda ang duwelo ganap na 4:30 ng hapon, habang magtutuos sa main game ganap na 7:00 ng gabi ang Meralco at NLEX.

Kapwa galing sa back-to-back win ang Elasto Painters at ang Batang Pier na kapwa sisikaping palawigin ang dominasyon.

Huling tinalo ng Rain or Shine ang Phoenix nitong Hunyo 9 sa Antipolo, 89-82, na nag-angat sa kanila sa patas na markang 2-2 kasalo ng Magnolia.

Ginapi naman ng Batang Pier (5-1) para sa ikalawang sunod nilang tagumpay ang Magnolia ,102-99, nitong Araw ng Kalayaan sa Big Dome upang umagapay sa liderato na kinaluluklukan ngayon ng TNT Katropa (6-1).

Naniniwala si Batang Pier coach Pido Jarencio na kung magpapatuloy ang ipinakikitang determinasyon ng kanyang koponan, magiging maganda ang kalalabasan ng kanilang kampanya lalo’t maaasahan naman at di nagpapabaya ang import na si Prince Ibeh.

Matapos namang makabawi sa panimulang dalawang dikit na kabiguan, marami pa ring nakikitang kailangang ayusin sa laro ng Elasto Painters si coach Caloy Garcia.

Nangunguna na rito ang kanilang “execution” upang maiwasan ang napakaraming turnovers makaraang magtala ang kanyang koponan ng 22 turnovers sa huling panalo kontra Fuel Masters.

“Medyo nakaka-frustrate ‘yung turnovers namin. I feel like for professional players, we shouldn’t be turning the ball over like that,” ani Garcia. “I think we’ll have to work harder on our execution.”

Samantala sa tampok na laro, tatangkain ng Meralco na makabalik sa winning track kasunod ng natamong kabiguan sa kamay ng Katropa nitong Sabado, 91-104, na nagbaba sa kanila sa 3-4.

-Marivic Awitan