KAKASA si Filipino WBO 1 contender Aston “Mighty” Palicte laban sa paboritong si No. 2 ranked Kazuto Ioka para sa bakanteng WBO super flyweight title sa Huwebes at tiniyak na mapapatulog ang Hapones na nag-aambisyong maging four-division world champion sa Makuhari Messe Hall sa Chiba City, Japan.
Lamang sa tangkad at bitis, at mas batas sa edad 28 kumpara sa 30-anyos na si Ioka, nagpapasalamat si Palicte sa malaking pagkakataong ibinigay sa kanyang ng kababayan sa Negros Occidental na si Donnie Nietes na binitiwan ang WBO junior bantamweight belt para matamo niya.
“Ibinigay ni Donnie kay Aston ang pagkakataon na maging champion kaya kailangan manalo siya,” sabi ng head trainer ni Palicte na si dating WBC light flyweight ruler Rodel Mayol. “Malaki ang chance na ma-knock out ni Aston si Ioka pero nag-train siya for 12 rounds so hindi siya magmamadali. Tamaan lang nang tamaan si Ioka hanggang tumumba. Pag hindi naman, manalo si Aston sa puntos.”
Pero sa Japan gagawin ang laban kaya kailangan talagang manalo via knockout ni Palicte para hindi mauwi sa hometown decision ang resulta ng 12 rounds na sagupaan.
“Matibay si Ioka at magaling kaya 50-50 ang laban at nasa Japan kaya mahirap at kailangan sipagan sa suntok at jab,” sabi ni Mayol sa Philboxing.com “Dati si Ioka mahirap talunin pero noong umakyat ng timbang at tumanda, nag-slow down siya at hindi na gaanong kalakas ang suntok niya. Siguro ang 115-pound division ay malaki para sa kanya.”
May rekord si Palicte na 25-2-1 na may 21 pagwawagi sa knockouts kumpara Ioka na may kartadang 23 panalo, 2 talo na may 13 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña