ISA si Ogie Diaz sa mga hinahangaan naming personalidad sa showbiz, hindi dahil naging kasamahan namin siya sa panulat at isa sa editors namin sa Mariposa, kundi dahil nakita namin kung gaano siya karesponsableng ama sa kanyang mga anak, karesponsableng anak sa kanyang mga magulang, karesponsableng kapatid, at higit sa lahat isa siyang responsableng asawa sa ina ng kanyang mga anak.

Father’s Day nitong Linggo at may post si Ogie sa kanyang Facebook page.

“Gaano ka ba kabuting ama, Ogie?”

“Lagi kong sinasabi, mga anak ko ang makakasagot niyan. Ito lang mga nakasulat dito kagabi, dahil ‘Father’s Day’ presentation, sapat na para hindi sumuko sa buhay. Walang hindi kakayanin. Kasi mahal na mahal ko kayo.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

At bilang ama ng tahanan ay may mga bagay na hindi nagagawa ni Ogie kaya naman sa nasabing post ay humingi siya ng pasensiya sa kanyang mga anak.

“Pero pasensiya na, mga anak, kung hindi n’yo ako nakikitang nagpupukpok o nagre-repair ng sirang gamit o kasangkapan sa bahay. ‘Di ko rin alam kung paano magdekorasyon sa bahay, dahil wala akong ka-art-art sa katawan. Hindi rin ako marunong maglaba, mamlantsa, lalo na magluto. Lahat ‘yan, kayang gawin ng mama n’yo,” saad ng kilalang talent manager/radio personality at aktor.

Paglalahad pa ni Ogie, “Nu’ng bata pa ako kasi, ‘yung pamamalengke, pagtawad sa palengke, pag-igib ng tubig hanggang sa pagbubuhat ng balde-baldeng tubig sa public CR; pagbabantay ng maliit na tindahan, pag-aalaga ng dalawang sumunod na kapatid; pagtitinda ng banana cue araw-araw, pagsusundo kay tatay sa kumpanya ng taksi na nakikipagtsikahan pa sa mga kapwa driver, eh, hinihintay ng nanay ‘yung intrega niya at wala kaming babaunin sa eskuwela; at higit sa lahat — pangangarap oras-oras na sana makaahon kami sa kahirapan. ‘Yun lang ang kaya kong gawin.

“Kaya totoo ‘yung kasabihan na hindi talaga lahat ng katangian, ibinibigay ng Diyos sa isang tao lang. Kung may kulang, ikaw na ang magpupuno, tutal binigyan ka naman ng utak at puso ni Lord para paganahin. Otherwise, ‘yung weakness mo, gawin mong strength. O mag-concentrate ka na lang sa strength mo.

“Kaya kung saan ako pinakamalakas, pinakamarunong, du’n na lang ako nagko-concentrate para kumita at maging good provider sa inyo.

“At the end of the day, ‘yung paano-mo-pinalaki-ang-anak-mo ang batayan ng pagiging ama. Tutal, mababait naman kayo at hindi salot ng lipunan, eh siguro naman, me naibahagi din ako sa paghubog sa pagkatao n’yo, kahit paano, bilang ama n’yo.

“Kung happy kayo kasi ako ang naging ama n’yo, sana man lang, maisip n’yo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para lang makapagpadala ako ng malaking pera rito.

“Tingnan n’yo, sa sobrang emosyonal ko, pati linya ni Ate Vi (Vilma Santos) sa ‘Anak’ bigla kong naisip. Basta kung happy kayo kasi ako ang naging ama n’yo, happy din ako kasi kayong mga anak ko ang ibinigay sa akin ng Diyos.

“Love you, mga anak.

“PS: Andami kong kinuhang insurance policies. Ganyan ako kahanda. Kasi mahal ko kayo.”

Totoo ito, dahil nu’ng dumalaw kami sa opisina ni Ogie ay ipinakita niya ang halos isang dangkal sa kamay namin ang kapal ng insurance policies na kinuha niya para sa mga anak.

“Handa ako, Reggee, kasi hindi naman habampanahon na malakas ang kinikita ko o malakas ako. Sa mga insurance na ‘yan, may pamana na ako sa mga anak ko hanggang paglaki nila. Kaya nagtatrabaho ako nang husto dahil ang laki ng mga binabayaran ko sa mga ‘yan.”

Happy Father’s Day, Ogie.

-Reggee Bonoan