NAGTATAKA ang mga kababayan sa pananahimik ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa insidente sa karagatan na binangga ng fishing vessel ng China ang nakaangklang fishing vessel (F/B Gem-Vir 1) ng mga Pinoy sa Recto Reed sa Palawan noong Hunyo 9.
Bakit daw parang hindi kumikibo si PRRD gayong kinondena ito nina Defense Sec. Delfin Lorenza, Foreign Affiars Sec. Teodoro Locsin Jr samantalang nanindigan si Philippine Navy chief Vice Admiral Robert Empdrad na sinadyang binangga ang sasakyan ng mga mangingisdang Pinoy ng Chinese vessel.
Para kay Empedrad, hindi ito isang aksidente o ordinaryong maritime accident, gaya ng pahayag ng Chinese Foreign Ministry, kundi sinadyang pagbangga sa maliit na sasakyang-pangisda ng mas malaking barko ng China. “The Filipino vessel was anchored. So when based on the International Rules (maritime) of the Road, it had the privilege because it could not evade...The ship was rammed. This is not a normal incident. The boat was anchored,” pahayag ni Empedrad.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, hindi kumikibo si PDu30 dahil nagiging “cautious” o maingat lang ito. Pero, sabi ng taumbayan eh bakit kapag ang US at European Union (EU) ang may isyu at naghayag ng opinyon tungkol sa drug war ng administrasyon, nag-aalsa ang boses ng ating Pangulo at minumura ang US at EU.
Ngayon ang ika-158 taong kaarawan ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal. Kung buhay si Ka Pepe ngayon, ano kaya ang kanyang sasabihin sa pag-okupa at pambu-bully ng dambuhalang China sa sisiw na Pinas? Ano ang kanyang paninindigan sa pagsakop ng dragon sa mga reef, shoal, isle sa West Philippine Sea (WPS)? Hindi rin ba siya kikibo at dededmahin lang ang ganitong pangyayari dahil ayaw natin ng giyera?
Kung buhay si Andres Bonifacio ngayon, papayag kaya siya sa malawakang reklamasyon ng dambuhala sa WPS, pagkuha ng mga higanteng taklobo, pagsira sa coral reefs, at paglabag sa soberanya ng PH? Sagot ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Tiyak susulat ng bagong nobela si Rizal. Tiyak mag-aalsa si Ka Andres, bubunutin ang tabak at hihikayatin ang mga Katipunero, este Pilipino, na sumugod sa WPS at ipagtanggol ang ating teritoryo.”
Marahil, naisip kong ang bagong nobela ni Rizal ay may titulong “Huwag Kang Matakot.” Hindi “Noli Me Tangere” o “Huwag Mo Akong Salingin.” Hindi ba may isang lider sa mundo ang nagsabing “Ang takot ay likha lang mismo ng takot.” Hindi dapat matakot ang isang tao sapagkat kapag ikaw ay natakot, gagapiin ka nito at walang mangyayari sa iyong buhay.
Pormal na idineklara ng PAGASA ang pagsapit ng tag-ulan sa bansa noong Biyernes, Hunyo 14. Sana naman ay magkaroon na ng mga pag-ulan, subalit hindi naman labis na tubig-ulan na magiging sanhi ng pagbaha, pagkasira ng mga pananim, landslide, at iba pang kalamidad. Tuwing tag-ulan, naaalala ko ang kabataan ko noong high school at college. Katuwang ako ni Tatang sa pag-aararo sa maliit naming bukirin sa Bulacan katulong ang dalawa kong kalabaw--sina Kalakian at Baguntao.
-Bert de Guzman