Babawasang muli ng National Water Resources Board ang alokasyon nito ng water supply sa Metro Manila simula ngayong Miyerkules, dahil aabot na sa critical level ang tubig sa Angat Dam.
Sa pulong ngayong Martes kasama ang technical working group, na binubuo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, National Irrigation Administration, National Power Corporation, Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, at ng mga water concessionaire na Manila Water at Maynilad, nagpanukala ang NWRB na babawasan ang alokasyon sa MWSS mula sa 46 cubic meters per second (cms) ay gagawin na lang 40 cms simula bukas hanggang sa Biyernes, Hunyo 21.
Ito ay upang tiyaking tatagal ang tubig sa Angat Dam, na batay sa monitoring ng PAGASA kahapon ay bumaba pa sa 161.76 metro, o 1.76 metro na lang ang lamang bago umabot sa 160-meter critical level nito para sa domestic water supply.
Dahil sa El Niño, mas kakaunti ang tyansa ng bagyo sa bansa kahit pa tag-ulan na.
Sakaling umabot na ang tubig sa Angat Dam sa mas mababa sa 160 metro sa Sabado, Hunyo 22, sinabi ng NWRB na muli itong magpapatupad ng water allocation adjustment, kasabay ng pagsasara sa auxiliary unit nito.
Ayon sa NWRB, bababa pa sa 36 cms ang ilalaan ng Angat sa MWSS sakaling bumaba pa ang tubig sa reservoir sa 150 metro.
Kinumpirma rin ng NWRB na ang mas mababang alokasyon ng tubig ay makaapekto sa normal delivery ng tubig ng Maynilad at Manila Water sa mga customer nito.
“Expect rotational water service interruptions, which will be announced the soonest possible time,” paabuso ng NWRB sa publiko, at nanawagan ng pagtitipid sa paggamit ng tubig.
-Ellalyn De Vera-Ruiz