LEGAZPI CITY -- Kumikig ang lakas ng Pinoy Pride na sina Dominic Perez at Mark John Lexer Galedo matapos na pumangalawa at pumangatlo ayon sa pagkakasunod sa ikatlong yugto ng 2019 Le Tourde Filipinas nitong Linggo.
Tumapos sila sa likod ng lider na si Samuel Hill ng Australia.
Nakuha ni Perez ang ikalawang puwesto sa tyempong 4:34.03 , gahibla ang layo kay Hill (4:33.12), habang pangatlong dumating sa finish line si Galedo ng Celeste Cycling na tumapos ng 4:34. 06.
Ayon kay Perez, na buhat sa 7-eleven team, sadyang malakas ang kanilang mga karibal na sinubukan pa nilang kumawala sa huling 12kilometro ng karera, ngunit banderang kapos.
“Last 12 na po noong kumawala, talagang sinubukan namin pero sobrang lakas eh. galing siya sa likod namin eh,” pahayag ng 24-anyos na si Perez na siya ring tinaguriang Best filipino rider sa nasabing yugto.
Masayang masaya naman ang 23 anyos na si Hill ng Team Nero Bianchi sa kanyang unang panalo sa UCI event.
“It’s really unexpected but It really means a lot. I thought they (Perez, Galedo) will win this race. But I was able to break away,” ani Hill.
Gayunman, tangan pa rin ni Jeroen Meijers ng Taiyuan Miogee Team ang purple Jersey Individual General Classification sa nasabing karera na suportado ng Air21 sa pakikipagtulungan ng PNP at DRRMO.
-Annie Abad