NAG-ISYU ng pahayag ang China Embassy hinggil sa pagbunggo ng Chinese trawler sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda na naka-anchor sa Recto Bank sa South China Sea noong Hunyo 9.
Aniya, ang crew ng Chinese trawler Yuemaobinyu 42212 ay aksidenteng bumangga sa Gem Vir I nang tinatangka nitong magmaniobra at lumisan dahil sa takot para sa sariling kaligtasan.
“Tinangkang sagipin ng Chinese captain ang mga mangingisdang Pilipino, pero natakot na baka kubkubin ng pito o walong fishing boat ng mga Pilipino, walang hit and run na nangyari,” sabi pa ng pahayag.
Ang insidente, aniya, ay hindi hit and run, tulad ng tinuran nina Foreign Secretary Teodoro Locsin, Jr., Defense Secretary Delfin Loranzana at ng mga nasagip na mangingisda.
“Nagalit ako dahil may kakaibang istorya ang Chinese Embassy. Ito ay hindi totoo. Kung gusto nila kaming sagipin, bakit nila kami iniwan?” wika ni Junel Insigne. Si Insigne ay ang kapitan ng Philippine fishing boat na lumubog pagkatapos na ito ay banggain ng Chinese trawler.
Ang mga mangingisdang Pilipino na pawang mga taga San Jose, Mindoro ay nagsabi na may ilang oras na silang nakalutang sa dagat at naghihintay ng sasaklolo sa kanila. Ang Vietnamese fishing vessel ay siyang dumating at sinagip sila.
“Sa panahong iyon nang kami ay banggain at lumubog walang ibang fishing vessel sa lugar maliban iyong sa amin at ang Chinese trawler,” dagdag pa nila.
Ayon naman kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Director Elizer Salilig, ang Vietnamese boat noon na sumagip sa mga Pilipinong mangingisda ay sampung kilometro ang layo ng pinangyarihan ng insidente.
Pero para kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, sinadya ng Chinese trawler na bungguin ang fishing boat ng mga Pilipino.
Chinese militia vessel, aniya, ang trawler. Kakaiba raw ito sa lahat ng mga fishing boat na pag-aari ng mga bansang nangingisda sa lugar dahil ito ay may “reinforced steel hulls” na ang pakay ay mangbangga. Ang ordinaryong fishing vessel ng China ay hindi kagaya nito at hindi puwedeng magbangga dahil baka ito rin ay masira.
Ayon kay Carpio, ilang beses nang ginawa ng China sa mga Vietnamese fishing boat ang ginawa sa Philippine fishing boat, kaya lang kauna-unahan lang ito.
N a k a b i b i n g i ang pananahimik ni Pangulong Duterte hinggil sa insidente. Napakatapang niya laban sa Canada dahil lang sa basura nito na itinambak sa ating bansa. Napagwari niya marahil ang naging epekto na ng kanyang hindi paggiit sa arbitral ruling na nasa ating kapangyarihan ang pinaglalabanang teritoryo kung saan tayo ay binu-bully ngayon ng China.
Ang estado ay pinagagalaw ng sarili nitong interes. Wala itong permanenteng kaibigan, kundi permanenteng interes. Kaibigan lang natin ang China dahil nagpatakot tayo sa kanya. Nabili niya ang ating prinsipyo at pagmamahal sa bayan.
-Ric Valmonte