HALATANG seryoso na ang pagpasok ni Manny V. Pangilinan (MVP) sa film production sa pamamagitan ng Cignal Entertainment na naki-partner sa DSL Events and Production House, Inc. owned by Pops Fernandez.
Malaking infusion siyempre sa umaandap-andap na local movie industry ang dala-dala ni MVP.
Sub-brand ang Cignal Entertainment ng Cignal TV Inc., ang satellite television at IPTV provider na subsidiary ng MediaQuest Holdings Inc. na pag-aari ng PLDT Beneficial Trust Fund ni MVP.
Bagamat sampung taon na sa entertainment industry ang Cignal TV, two years ago lang sila pumasok sa film production. Pawang may pagka-indie ang naunang tatlong prinodyus nila, ngayon sa pang-apat lang sila nag-venture sa rom-com o mainstream.
Originally, nang ilunsad ang Cignal Entertainment noong 2017, inihayag nila ang content production para sa direct-to-home viewing bilang suporta sa directors, producers, at scriptwriters. Naki-partner sila sa Sari-sari Network, Unitel, Idea First, Content Cows, at sa Masque Valley Productions na gumawa ng Tukhang.
Cignal Entertainment din ang nagprodyus ng Ang Babaeng Allergic sa Wifi at Maledicto.
Mukhang bullish si MVP sa co-venture ng Cignal at DSL, ang Feelennial (Feeling Millennials) na pinagbibidahan nina Ai Ai de las Alas. Imagine, dumalo pa si MVP sa premiere night last Monday kaya touched na touched si Pops. Ayon mismo kay Pops, nagkuwento sa kanya ang executives ng Cignal Entertainment na pambihirang pumunta sa premiere screening si MVP, pero present nga ito sa debut ng partnership nila.
May rason para bigyan ni MVP ng panahon ang Feelennial, maganda ang pelikula at nagustuhan ito ng mga nanood sa premiere pati na ng entertainment writers na agarang nagkokomento kung pangit o maganda ang pelikula. Abangan ang maglalabasang rebyu kung gusto ninyong manood.
Nagustuhan din namin ang Feelennial, na pinahagalpak ang audience mula umpisa hanggang dulo. Sampol? Sina Pops at Martin Nievera ang ginamit na display photo nina Ai Ai at Bayani na riot sa comedy of mistaken identity. Isa pang sampol: Inihian ni Bayani si Ai Ai, sa legs lang sana na nakagat ng jellyfish pero tumalsik ang likido hanggang sa mukha ng komedyana. 'Yan lang muna para 'di ito maging spoiler.
Higit sa lahat, kahit romantic-comedy ang Feelennial ay may sincerity ang pagkakahabi ng kuwento. Napakahusay ng tambalan at timing nina Ai Ai at Bayani pero mas dapat na hangaan ang kanilang direktor na si Rechie de Carmen.
Rated PG sa MTRCB at Graded B sa Cinema Evaluation Board, opening na ngayong araw ng Feelennial sa mga sinehan nationwide
-DINDO M. BALARES