Mga Laro Ngayon
(Paco Arena)
1:00 n.h. -- Army vs Navy
3:00 n.h. -- PLDT vs Air Force
5:00 n.h. -- VNS VC vs Cignal
PINATAOB ng PLDT Home Fibr ang Philippine Coast Guard, 25-20, 28-26, 22-25, 25-19 upang umangat sa ikatlong puwesto ng 2019 Spikers’ Turf Reinforced Conference sa Paco Arena sa Manila.
Pinangunahan ni national pool team captain John Vic De Guzman ang PLDT sa ipinoste nitong 15 puntos kasunod sina Mark Alfafara at Paolo Pablico na may 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
“’Yung focus lang nung key players, medyo nilalandi nila ‘yung laro [eh]. Not so much as a problem, but we really have to work on our passing,” wika ni PLDT head coach Odjie Mamon.
Nawalan naman ng saysay ang ginawa ni Esmail Kasim na 26 puntos dahil hindi nito naisalba ang Coast Guard sa ikawalong sunod nitong kabiguan sa loob ng walo ring laban.
Sa iba pang laro, pinangunahan naman ni Greg Dolor ang Philippine Navy sa paggapi nito sa Volleyball Never Stops Volleyball Club (VNS VC), 18-25, 27-25, 25-21, 25-14.
Ang panalo ang ika-4 ng Sea Lions sa loob ng 6 na outings sa pamumuno ni Dolor na may 17 puntos.
Namuno naman sa Griffins na bumagsak sa 2-4 na marka si Tony Koyfman na may 21 puntos.
Bumawi ang Philippine Army sa natamong kabiguan sa Rebisco-Philippines nang talunin nito Animo Green Spikers, 20-25, 27-25, 25-21, 25-19.
-Marivic Awitan