Minsan, halos maiyak na lang ang Presidente.
Nasa “low morale” si Pangulong Duterte dahil sa hirap ng trabaho niya bilang presidente ng bansa.
Ilang araw makaraang aminin na pinagsisisihan niya ang pagkandidato para sa pinakamataas na posisyon sa bansa, sinabi ni Duterte na hirap na hirap siyang tugunan at sawatain ang kurapsiyon sa gobyerno, at minsan nga ay naiiyak na siya.
“Ako ‘yung medyo low morale ako ngayon, but anyway let me fix things before I go,” sinabi ni Duterte sa pagdalo niya sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy sa Cavite nitong Lunes.
“I have a duty that is a burden—sometimes more than I can carry. I can—I almost cry,” dagdag niya.
Nagpahayag siya ng pagkadismaya sa aniya’y talamak na kurapsiyon sa pamahalaan, at nagduda kung posible nga bang tuluyan niya itong mawakasan sa kanyang termino.
“Sabi ko na hindi ko kaya itong corruption,” aniya, tinukoy ang mga anomalya sa mga transaksiyon sa gobyerno.
“If there’s a table, if there’s a single chair there, meron talaga ‘yan as the papers go back and forth, inward. That is why nawalaan ako ng tiwala sa bureaucracy.
“But truth to tell, kung araw-araw na lang pati every table dito sa Pilipinas ganoon, hindi ko talaga mahabol.”
Sa kanyang pagbisita sa Cagayan de Oro City noong nakaraang linggo, inamin ni Duterte na siya “deeply regretted” ang pagkandidato niya sa pagkapresidente.
-Genalyn D. Kabiling