Mababang water pressure, rotational service, o pagkaantala sa supply ng tubig ang maaaring maranasan kapag patuloy pang bumaba ang tubig sa Angat Dam sa 160-meter critical mark sa mga susunod na araw, babala ng National Water Resources Board.
Ngayong Lunes ng umaga, bumaba ang water level ng Angat Dam sa 162.39 metro mula sa dating 162.82 metro nitong Linggo. Mas mababa ito ng 17.61 metro sa minimum operating water level ng dam na 180 metro.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., bagamat opisyal nang inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagpasok ng tag-ulan sa bansa, mayroon pa ring “insignificant” rainfall sa Angat watershed sa nakalipas na mga linggo.
Aniya, hindi rin maaasahan ang malakas na buhos ng ulan ngayong linggo, ayon sa PAGASA, dahil sa monsoon break.
Pinangangambahang bababa ang antas ng tubig sa dam sa low-level mark na 160 metro ngayong linggo kung magpapatuloy ang sitwasyon sa Angat Dam at walang sapat na tubig-ulan itong matatanggap.
Ang 160-meter level ay maikokonsiderang kritikal para sa domestic water supply.
Sa ganitong kondisyon, sinabi ni David na ilang hakbangin ang kailangang ipatupad para sa natitirang tubig kabilang ang operationalization ng Angat Dam low level outlet.
Ipinaliwanag din niya na sinusuri na nila ang low level outlet, na huling ginamit noong Hulyo 2010 nang umabot sa 157.57 metro ang tubig sa dam, ang pinakamababa sa kasaysayan.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng cloud-seeding at re-activation ng mga balon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System’s (MWSS) upang umagapay sa sitwasyon.
Pinag-aaralan na rin ng NWRB ang pagbaba ng alokasyon sa MWSS.
Habang nakatakda na ring magpulong ang NWRB, MWSS, Maynilad, at Manila Water officials ngayong araw para mapag-aralan ang mga maaaring gawing solusyon sa alokasyon ng tubig sa kabahayan.
Inaasahan namang tataas na ang tubig sa Angat Dam sa mga susunod na buwan sa pagpasok ng tag-ulan.
-Ellalyn De Vera-Ruiz