NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga Pilipino na kumilos at magtrabaho para sa pagtatamo ng tunay at lantay na kalayaan na ipinaglaban at pinangarap ng ating mga ninuno at bayani. Tunay na kalayaan? Malaya na nga tayo sa paniniil ng Espanya sa loob ng mahigit 300 taon. Malaya na tayo sa imperyalistang US subalit Mr. President, malaya ba tayo sa bagong imperyalista o bagong mananakop na umuukopa sa ating mga shoal, reef, isle sa West Philippine Sea (WPS)?
Sa harap ng mga kawal, pulis at opisyal ng gobyerno sa 6th Infantry Battalion sa Malabang, Lanao del Sur kaugnay ng ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, ganito ang sinabi ng Pangulo: “Let us commit ourselves to ensure that their sacrifices have not been in vain and that their dreams of truly independent Philippines-- whose people live freely in a secure, stable and prosperous society-- will be achieved in our lifetime.” Kaygandang pahayag. Sana nga ay matamo natin ang tunay na kalayaan, mahal na Pangulo.
Noong Huwebes, nagdudumilat ang “nagbabagang mga balita” sa mga pangunahing pahayagan tungkol sa pagbangga ng Chinese ship sa fishing vessel ng mga mangingisdang Pinoy na nakaangkla sa Recto (Reed) Bank sa Palawan. Por Diyos, por Santo, sa halip na tulungan at sagipin ang 22 kawawang mangingisda na sisinghap-singhap, sinibatan ng Chinese vessel ang binanggang bangka.
Mas mabuti pa ang Vietnamese fishermen na malapit sa lugar na tumulong sa mga mangingisda na na-hit-and-run ng sasakyang dagat ng China. Binira ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang mga Chinese sa pag-abandona sa Filipino crew ng F/B Ginver 1, na binangga noong Linggo sa bisinidad ng Recto o Reed Bank sa WPS na kung saan ang lugar ay iginawad ng Arbitrary Tribunal ang pagkakaroon ng sovereign rights ng Pilipinas. Saklaw ang lugar ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Galit si Lorenzana: “Kinokondena namin ang aksiyon ng Chinese fishing vessel sa apurahang paglisan sa lugar ng insidente at pag-abandona sa 22 crewmen sa gitna ng dagat. Ang FB Gem-Vir 1 ay nakaangkla noon nang banggain ng Chinese fishing vessel.” Ang pahayag ay ginawa ni Lorenzana sa Lanao del Sur kasama si PRRD sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Maging si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ay galit sa ginawang pagbangga at pag-abandona ng Chinese fishing vessel sa mga mangingisdang Pinoiy. Pinuri ni Locsin ang Vietnamese fishermen sa pag-ayuda sa mga Pinoy sa gitna ng dagat. Para sa kanya, higit na dapat palakasin at pasiglahin ang relasyon ng PH sa Vietnam. Mr. Locsin, papaano ‘yan, eh patay na patay ang ating Pangulo sa China?
Para kay Sen. Panfilo Lacson, isang karuwagan (cowardly act) ng Chinese fishing vessel ang pag-abandona sa mga mangingisda sa dagat na kanilang binangga. “Hindi natin tinatrato ang ating mga kaibigan ng ganoon, at hindi rin tayo umaasang tatratuhin ng gaya noon.” Malimit sabihin at ipagmalaki ni Mano Digong na kaibigan niya si Chinese Pres. Xi Jinping.
Sa panig ni Sen. Kiko Pangilinan, mariin niyang kinondena ang ginawang aksiyon ng Chinese. Tinawagan niya ang Duterte administration na baguhin ang patakaran nitong pagyukod at pananahimik (policy of subservience and appeasement) at agad maghain ng protesta. Anyway, hindi naman komo tayo ay nagpoprotesta, tayo ay makikipaggiyera sa China. Ipaalam lang natin na mali ang kanilang ginagawa at resolbahin ang mga isyu at problema.
Tungkol pa rin sa ika-121 taon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na ang tema ay “Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan”, nanawagan si Vice Pres. Leni Robredo sa pagkakaroon ng “inclusivity” at freedom of expression o kalayaan sa pagsasalita. Ayon kay beautiful Leni, dapat gunitain ng mga Pilipino bilang isang lahi kung papaano nakipaglaban, nagtayo ng sariling gobyerno at lumikha ng isang lipunan na malaya, makatarungan at makatao. Siya ang nanguna sa pagdiriwang ng Independence Day sa Rizal Park.
-Bert de Guzman