IGINIIT ni Jonnel Insigne na barko ng China ang bumunggo sa Philippine fishing boat na lumubog sa Recto Bank sa South China Sea na nasa loob ng 370- kilometer exclusive economic zone ng Pilipinas. Si Insigne ay ang kapitan ng fishing boat at isa siya sa 22 Pilipinong mangingisda nang mangyari ang insidente. Ayon kay Insigne, sandali silang inilawan ng barko ng China bago nito tinumbok ang kanilang sinasakyang FB Gem-Vir I at tumakas na patay ang mga ilaw pagkatapos na magsimula silang lumubog kasama ang lahat ng kanilang nahuling isda at mga kagamitan. Pagkatapos na lumubog ang kanilang bangka, nagsumikap silang lumutang sa gitna ng kadiliman hanggang sa dumating ang Vietnamese fishing vessel at sila ay sinagip. “Maswerte kami at mapayapa ang dagat. Kailangan kami ay lumangoy, ang iba ay may tube lifesavers. Nakakalungkot na ang mga Chinese ay kagaya rin naming mangingisda. Nakapanghihina ng loob pero kailangang bumalik kami sa aming trabaho,” wika ni Insigne sa mga mamamahayag.
Pagkatapos na maghain ng diplomatic protest laban sa China, nag-tweet si Foreign Secretary Teodoro Locsin, Jr. ng ganito: “Fuck the international community. Nabibili ito. Ito ay ating laban at sa huli atin lamang ito. Napakapanganib ang tawagin natin ang international community. Magkakautang tayo sa kanila na hindi magandang ideya tulad ng pag-amin na hindi natin kayang lutasin ang ating problema na hindi muna nating ginagawa ito? No way Jose. Kailanman ay hindi tayo umasa sa international community kundi sa ating sariling balls and brains.” Ginagaya rin ni Locsin ang kanyang amo na si Pangulong Duterte, mayabang at malaswang magsalita. Ang problema, wala sa lugar.
Kung isasaalang-alang ang salaysay ni Capt. Insigne, sinadya ng mga Chinese ang ginawa nilang pagbunggo sa kanilang bangka. Inalam muna ng mga Chinese kung sino sila. Ayon kasi kay Defense Secretary Lorenzana, ang lugar kung saan nakaanchor ang bangka nina Insigne ay bukas sa lahat ng mga mangingisda. “Nakapapasok naman ang lahat ng fishing boats kasi common fishing ground ‘yan. Hindi lang tayo ang nagfifishing diyan,” wika niya. Kaya, maging ang mga mangingisda ng Vietnam at Japan ay nangingisda rin sa bahagi ng South China Sea. Paano kung ang binunggo at pinalubog ng Chinese ay ang barko ng Japan o Vietnam? Ang mga bansang ito ay may sapat na tapang at kapasidad na suportahan ang kanilang katapangan. Maaaring hindi pagmulan ng gulo, pero hindi magpapaliguy-ligoy ang China at mapipilitan na bigyan ng kaukulang parusa ang mga nagkasala.
Nang malaman ng mga Chinese na Pilipino sina Insigne, tinuluyan sila. Hindi kasi gaya ng Vietnam at Japan, mahina ang ating gobyerno. Ang katapangan ay wala sa lugar.
-Ric Valmonte