DINISPATSANG muli ng defending champion Creamline ang problemado ngayong Banko Perlas sa loob ng straight sets, 25-12, 25-19, 25-16 upang makalapit sa inaasam na semifinals berth nitong Sabado sa  Premier Volleyball League Reinforced Conference University of San Agustin Gym sa Iloilo City.

Ang panalo ang ikalimang sunod para sa Cool Smashers magmula ng bumalik si Thai coach Tai Bundit.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kanilang pag-angat sa markang 5-1, dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Creamline upang direktang pumasok ng  semifinals.

“Definitely it’s the system because everyone is happy that coach Tai is back,” pahayag ni Creamline Venezuelan import Aleoscar  Blanco. “Now we have more connection and feeling and that’s important in a team.”

Sinamantala din Creamline ang pag-aadjust muli  ng BanKo Perlas sa bago nilang Thai import  na si Sutadta Chuewulim na ipinalit nila sa dating American import na si Lakia Bright.

Naging problema kamakailan ng Perlas Spikers si Bright nang magsimula itong lumiban sa kanilang mga ensayo kung kaya napilitan silang palitan ito.

Nasadlak ang BanKo Perlas sa ikatlong sunod nilang kabiguan na nagbaba sa kanila sa kartadang  2-5.

-Marivic Awitan