MATAGAL nang ipinananawagan ng Department of Energy ang pangangailangan para sa balanseng enerhiya para sa isang mapagkakatiwalaan, ligtas, at matatag na suplay ng enerhiya sa bansa sa katanggap-tanggap na halaga. Malaking bahagi ng suplay ng kuryente sa Pilipinas ay nagmumula pa sa mga uling at natural gas, bagamat may malalaking hakbang na sa mga nakalipas na taon upang bumuo ng renewable energy, partikular mula sa hangin, tubig at solar.
Ang pagtaas ng paggamit ng mga renewable energy ay isa ring malaking pag-unlad sa maraming bansa sa mundo, na nakaangkla sa hakbang upang mabawasan ang pagtaas ng temperatura ng daigdig na dulot ng mga inilalabas ng industriya, na nagdudulot sa mga polar glacier na matunaw, sa pagtaas ng lebel ng mga karagatan, at paglala at pagiging mas mapanira ng mga bagyong tumatama sa mga bansang tulad ng Pilipinas.
Kaya naman ikinalulugod natin ang inanunsiyo kamakailan ng Meralco, sa plano nitong pamumuhunan sa 1,000-megawatt green energy project sa susunod na lima hanggang pitong taon. Sinabi ni Meralco President at CEO Ray C. Espinosa na itinatag ang MGen Renewable Energy, Inc., upang magsilbing pundasyon para sa pagsusulong ng pagbuo ng renewable energy project, pangunahin ang solar, wind, at hydro mula sa ilog.
Bagamat kasalukuyang may mga pamantayan para sa bagong mapagkakatiwalaang baseload generation upang suportahan ang umuunlad na ekonomiya ng bansa, sinabi ni MGen President at CEO Rogelio Singson na, “we believe the time is right to focus on building our green-energy capacity and we intend to be a key player in this expanding sector.”
Makabuluhan na inanunsiyo ng Meralco ang hakbang nito na pamumuhunan sa green energy project kasabay ng World Environment Day ngayong unang bahagi ng buwan. Ang espesiyal na araw na ito ay ang naging pangunahing behikulo ng United Nation upang humikayat ng kaalaman at aksiyon para sa proteksiyon sa kalikasan mula noong 1974.
Ang Meralco ang pinakamalaking kompanya na nagsu-suplay ng kuryente bansa at pinakamalaking pribadong sektor sa utility sa bansa. Pinalalawak nito ang power generation gamit ang mga high-efficiency, low-emission technology upang maisulong ang lumalagong pagkakataon ng bansa sa ekonomikal na pag-unlad.
Sa mabilis na lumalaking populasyon at umuunlad na ekonomiya, kinakailangan ng Pilipinas ng dagdag na enerhiya para sa mga susunod na taon. Ang kasalukuyan nitong enerhiya ay nakasandal sa fossil fuel—uling, natural gas at langis, bagamat idineklara na ng pamahalaan ang polisiya upang paunlarin ang renewable energy, kabilang ang tax holidays at duty-free importation ng mga espesyal na technology equipment. Sinimulan na ng Meralco ang hakbang nito sa pagpasok sa umuunlad na sektor ng ligtas at mapagkakatiwalaang renewable energy.