HINIHIKAYAT ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na maging aktibo sa pagsuporta sa anti-smoking campaign ng pamahalaan.
Ayon kay Charisse Daya, DOH Regional Tobacco Control Program coordinator, pinili nila ang mga kabataan na silang target ng mga industriya ng tobacco sa pagsusulong ng produkto.
“We can tap the SK officials through their president for the training of peer educators who will form an organization of youth against tobacco smoking,” pagbabahagi ni Daya sa Philippine News Agency.
Sinabi naman ni Dean Aaron Lauron, Carigara SK Federation president, na bukas siya sa ideya at handa rin, aniya, sila na tumulong sa DOH para sa pagpapatupad ng anti-smoking law.
Umaming naninigarilyo, ibinahagi ni Lauron na nagsimula siyang manigarilyo dahil na rin sa impluwensiya ng kanyang mga kaibigan. Kung dati, aniya’y nakakaubos siya ng dalawang pakete ng sigarilyo araw-araw. Ngayon ay isang beses sa isang araw na lamang siya kung manigarilyo.
“This is a slow process. I’m doing it slowly,” ani Lauron. Bilang lider ng sektor ng kabataan, plano niyang maglunsad ng programa na magsusulong ng kaalaman tungkol sa masamang epekto ng paninigarilyo.
Sinabi ni Lauron na sa kabila ng pagpapatibay ng batas, laganap pa rin ang paninigarilyo sa ilang bayan dahil sa kawalan ng istriktong implementasyon ng mga lokal na pamahalaan.
“We are much willing to help in achieving the goal of making our town a smoke-free with the help of DOH to attain this making into a reality,” ani Lauron.
Aminado naman si Daya na nahihirapan sa implementasyon ang ilang lokal na pamahalaan dahil ikinokonsidera nila ang hakbang na ito bilang “political suicide.”
“This is actually not political suicide, because there are more non-smoking voters. In fact, if I may cite an example, there was a mayoralty candidate who received a majority vote for implementing the anti-smoking ordinance in his town, even receiving support from his political rival,” pagbabahagi ni Daya.
Umapela naman si Jonathan Ramirez, ng Smoke-Free Squad Tacloban at Leyte National High School Supreme Student Council president, sa lokal na pamahalaan ng Tacloban at sa mga ahensiya ng pamahalaan upang masiguro ang malusog at smoke-free environment para sa mga kabataan.
“Smoking does not only affect our health as it also destroys our environment because cigarette filter is not easy to dissolve,” ani Ramirez.
Ibinahagi rin ni Daya ang patuloy na pagpapalakas ng ugnayan ng DOH sa Department of Education para sa implementasyon ng polisiya para sa smoking ban lalo’t napapansin nila na may mga nagtitinda pa rin ng mga sigarilyo malapit sa mga paaralan.
Sa batas, ipinababawal ang pagbebenta ng produktong tobacco, 100 metro mula sa paaralan, palaruan, at mga pasilidad na kalimitang may mga menor de edad.
PNA