Sisilipin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ospital at klinikang posibleng sangkot sa bogus dialysis claims na binayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

PHILHEALTH

Ito ang kinumpirma kahapon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra at sinabing bahagi lamang ito ng isinasagawa nila ng komprehensibong imbestigasyonb sa nasabing anomalya kasunod na rin ng pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng WellMed Dialysis and Laboratory Center na si Bryan Sy.

"My directive to the NBI covers not only WellMed but also other clinics and hospitals. After WellMed, the NBI will investigate other suspicious claims," sabi ng kalihim.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Makikipagpulong din aniya ang NBI sa PhilHealth kaugnay ng usapin at aalamin din nila ang iba pang posibleng whistleblower kaugnay ng pagpapatuloy ng nasabing imbestigasyon laban sa iba pang dialysis treatment establishment.

Nauna nang natuklasan na aabot sa P154 bilyon ang pondong nasayang nang maibayad ito sa nasabing bogus dialysis treatment claims.

“Hopefully, the NBI can get the assistance of the new PhilHealth management team," ayon pa kay Guevarra.

Kaugnay nito, nagpiyansa na si Sy kaugnay ng kinakaharap na kasong estafa at falsification of public documents.

Ayon sa abugado ni Sy na si Rowell Ilagan, pinalaya na sa NBI ang kliyente nito nang payagan ito ng Manila  Regional Trial Court (RTC) na magpiyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.

Bukod kay Sy, kasama rin sa akusado sina WellMed executives  Dr. John Ray Gonzales, medical director; Claro Sy, chairman; Alvin Sy, corporate treasurer; Therese Francesca Tan, purchasing officer; Dick Ong, administration officer; at Drs. Porshia Natividad at Joemie Soriano.

Tiniyak naman kahapon ng isang kongresista na iimbestigahan ng Kongreso ang usapin.

Ayon kay Camiguin Lone District Rep. Xavier Jesus Romualdo, hihintayin na lamang nila ang pagbubukas ng 18th Congress at ang pagbubuo ng mga komite upang tuluyan nang masimulan ang pagsisiyasat.

Nilinaw naman kahapon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi nito pinasisibak si Health Secretary Francisco Duque III kaugnay ng naturang usapin.

Dapat aniyang kusa nang magbitiw sa puwesto si Duque.

“Gusto ko liwanagin...hindi ko hinihingi na sibakin siya. Never ako humingi na magsibak ang Pangulo sa kanyang appointees kasi prerogative niya ‘yan,” sabi pa ni Lacson.

Nauna nang inamin ni Duque na inaanak nitong sa kasal si Sy ngunit siniguro nito na hindi niya poproteksiyunan ito sa anumang imbestigasyon.

-Rey G. Panaligan, Ellson A. Quismorio, at Hannah L. Torregoza