INIHAYAG ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa unang bahagi ng linggong ito na karaniwan nang nagsisimula ang tag-ulan sa kalagitnaan ng Mayo hanggang sa gitnang bahagi ng Hunyo. Nasa kalagitnaan na tayo ng Hunyo, at naghihintay pa rin tayo.
Ang tubig sa Angat Dam, ang pangunahing pinagkukuhanan ng supply ng mga taga-Metro Manila, ay sumadsad na sa 164.48 metro nitong Hunyo 1, malaki ang ibinaba mula sa high-water level na 210 metro. Umaasa tayong ang naghihingalong supply natin ng tubig ay hindi aabot sa punto gaya ng nangyari sa East Zone ng Metro Manila noong Marso, nang nagsulputan ang mahahabang pila ng mga balde at iba pang sisidlan ng tubig sa mga igiban, at isang swimming pool ang kinailangang sairin upang magamit ang tubig nito para sa matinding pangangailangan sa bahay.
Karamihan sa mga magsasaka, na walang biyaya ng irigasyon, ay hindi makapagtatanim hanggang hindi pa tag-ulan. Ang pagdepende sa ulan ay sinasabing isa sa mga dahilan kaya hindi umaalagwa ang agrikultura sa Pilipinas, kasama na ang kakaunting gumagamit ng makina, at ng modernong paraan ng pagsasaka.
Sa ilang bayan at siyudad, karaniwan na ngayon ang pag-uulan pagsapit ng hapon, pero hindi ito nangyayari sa ibang lugar. Kaya naman patuloy na tinitiis ng mga tao ang matinding alinsangan ng panahon, habang nananalangin na umulan upang maibsan ang init, at higit sa lahat, matiyak na hindi kakailanganing irasyon ang tubig.
Ang tanging nakumpirma lang ng PAGASA ngayong linggo ay malapit nang magsimula ang tag-ulan. Binanggit din ng ahensiya na nagsimula na ring umabot ang habagat sa Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan. Ito ang mga isla sa bansa na unang naaabot ng habagat.
Ayon sa PAGASA, opisyal na magsisimula ang tag-ulan kapag umulan nang magkakasunod na limang araw, at ang water level na nasukat sa tatlo sa limang estratehikong lokasyon ay hindi dapat na bababa sa isang milimetro. Ang malakas na pag-uulang naranasan natin sa nakalipas na mga araw ay hindi pa magkukumpirma na tag-ulan na nga sa bansa.
Inihayag din ng PAGASA na wala itong natutukoy na paparating na bagyo, na karaniwan nang namumuo sa sentro ng Dagat Pasipiko sa silangan. Normal nang pangambahan ito dahil nagbubunsod ito ng malakas na hangin at ulan at nagdudulot ng matinding pananalasa, gaya ng “Yoling” noong 1970. Subalit sa kalagitnaan ng matinding tag-init sa ngayon, marami ang matutuwa sa anumang ginhawang mararamdaman mula sa umiiral na maalinsangang panahon.