IPINAARESTO ni Pangulong Duterte ang may-ari ng WellMade Dialysis Center na si Bryan Christopher Sy, dahil sa alegasyon ng dalawa niyang dating empleyado na umano’y panggagantso nito sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Sa isang direktiba na kanyang inisyu, pinaiimbestigahan ng Pangulo ang pagkalugi ng PhilHealth, na umabot sa P154 bilyon sa pagitan ng 2013 at 2018, dahil sa mga ghost patients, sobrang bayad at pandaraya.
May grupo umanong “Mafia” sa likod ng sobrang paniningil. “Iyon lang P1 bilyon ang nawala ay hindi katanggap-tanggap sa akin. Maraming may sakit na Pilipino na umaasa sa PhilHealth,” wika ng Pangulo. Kaya inaresto ng NBI si Bryan Sy nang ito ay magpakita sa NBI headquarters sa Maynila. Ang dati niyang mga empleyado na sina Edwin Roberto at Liezel Santos, na nagbunyag ng anomaly, ay inaresto rin at silang tatlo ay kinasuhan sa Department of Justice ng estafa at falsification of public documents.
Samantala, bago pa pulungin ng Pangulo ang mga opisyal ng PhilHealth sa Malacañang, inanunsiyo mi incoming Senator Bong Go. “Noong gabi ng Sabado, inatasan ako ng Pangulo na sabihan ang lahat ng board members ng PhilHealth na isumite ang kanilang courtesy resignation,” sabi ni Go. Kasabay ng kanyang utos na arestuhin si Sy, inatasan din ni Pangulong Duterte ang PhilHealth acting chief, board members, at regional vice-presidents na ibigay ang kanilang courtesy resignations o patatalsikin sila.
Ang problema sa kampanya ng Pangulo laban sa kurapsiyon, mayroon siyang tinitingnan at tinititigan lang. Kapag anomalya hinggil sa ilegal na droga, hindi niya tinatrato ng katulad nang pagtrato niya sa mga umano ay sangkot sa anomalya sa PhilHealth at iba pang ahensiya ng gobyerno, katulad ng Housing and Urban Development Coordinating Council at Food and Drug Administration.
Tingnan ninyo ang ginawa ng Pangulo kay Nicanor Faeldon. Noong lubusang pinaiiral ang kanyang war on drugs, halos araw-araw ay may napapatay. Maliban sa iilan na matapang na sinalungat siya, lahat ay takot sa kanya. Si Faeldon, na una niyang hinirang bilang commissioner ng Bureau of Customs, ay nasangkot sa panahong ito, sa pagpapalabas sa BoC ng droga na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon. Hindi niya ito ipinaaresto. Hindi rin niya ito inatasang magsumite ng courtesy resignation. Inilipat niya ito sa Office of the Civil Defense at ngayon, hinirang niyang kapalit ni Ronald dela Rosa nang magbitiw bilang pinuno ng Bureau of Corrections. Ganito rin ang naging kapalaran ni Isidro Lapeña nang hirangin siya ng Pangulo na kapalit ni Faeldon sa BoC. Sa kanyang pamamahala sa BoC, nakalusot ang 4 na magnetic lifters, na ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ay pinaglagyan ng shabu, na nagkakahalaga ng P11 bilyon. Inalis nga ng Pangulo si Lapeña sa BoC, pero hinirang naman niya itong director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Si Veneer Aquino, na sinibak ni Lapeña dahil nakalusot sa MICP ang dalawang magnetic lifter nang siya ay district collector, ay hinirang ngayon ng Pangulo na BoC deputy commissioner. Kaya, may problemang kredibilidad ang paglaban ng Pangulo sa kurapsiyon.
-Ric Valmonte